LIDER NG DRUG SYNDICATE NASAKOTE

CAVITE- NASAKOTE ng Cavite PNP Intelligence unit at Provincial Drug enforcement group ang lider ng isa sa malaking grupo ng drug syndicate nitong Lunes ng hapon sa Barangay H2, Dasmarinas City sa lalawigang ito.

Sa inisyal na ulat ng Cavite police information office, kinilala ang nadakip na si Bernie Tibatib Dayson, 33-anyos, pintor at residente ng Barangay Sta. Lucia ng nabanggit na lungsod.

Sa pahayag ni Lt.Col. Christopher Olazo, Cavite police director, matagal na umanong nasa drug watchlist si Tibatib kaugnay sa pagiging lider ng Tibatib drug syndicate na siyang nagbabagsak ng ilegal na droga sa malalaking siyudad sa Cavite.

Ang suspect din umano ang isa sa miyembro ng kilabot na De Nava Gun For Hire Group na matagal na rin sangkot sa mga krimen sa Cavite at mga karatig lalawigan.

Sa tip ng isang concerned citizen tungkol sa gagawin pagbebenta ng ilegal na droga ng suspek, agad na bumuo ng special team ang Cavite PNP at inilatag ang isang entrapment operation sa nabanggit na lugar.

Walang kawala sa mga pulis ang suspek matapos arestuhin sa aktong tinatanggap nito ang marked money sa poseur buyer.

Nakumpiska kay Tibatib ang ilang gramo ng shabu at pinatuyong dahon ng marijuana may street value na nagkakahalaga ng P165, 000.

Nakakulong ang suspek sa Cavite PNP custodial cell. ARMAN CAMBE