NASAKOTE ng Caloocan City Police ang Lider ng Jamal Criminal Gang at nakumpiskahan pa ng P136-K halaga ng shabu sa ikinasang follow up operation matapos makatanggap ng tip na nagtutulak ng ilegal na droga kahapon ng madaling araw sa Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Kinilala ang suspek na si Jamaloden Assirong y Marcelino alyas Jamal, 28-anyos at residente ng Barangay 176, Caloocan City.
Sa report mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director BGen. Jose S. Hidalgo, bandang alas-3:20 ng madaling araw nang madakip ang suspek sa kahabaan ng Phase 1, Package 1, Block 15, Lot 3, Barangay 176, Bagong Silang matapos ang isinagawang follow up operations.
Ayon sa ulat ni Col. Samuel Mina, Jr. hepe ng Caloocan Police, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Intelligence Operatives mula sa Barangay Information Network (BIN) na pinuno ng Jamal Criminal Gang ang nagbebenta ng ilegal na droga.
Agad na nagpadala ng mga operatiba ang Intel Section at doon naaktuhan ang suspek na nag-aabot ng isang plastic sachet na naglalaman ng shabu sa isang lalaki na buyer subalit nakatunog na may pulis kaya agad na tumakbo at nahuli ang suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang plastic sachet na nasa humigit-kumulang 20 gramo na may halagang P136,000.00 at P510.00 cash.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Caloocan Police detention cell habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165. VICK TANES