LIDER NG MAUTE-ISIS TINUTUGIS; RECRUITMENT PIPIGILAN

CAMP AGUINALDO – HINDI binibitawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagtugis sa bagong lider ng Maute-ISIS terror group na nag­hahasik ng takot  sa bansa partikular sa Min­danao.

Ito ang kinumpirma ni Col. Romeo Brawner, Deputy Commander ng Joint Task Force Ranao at sinabing si Owayda Benito Marohamsar alyas Huwam at Abu Dar ang tanging buhay sa grupo ng mga lider ng Maute na nakita sa video na nagpaplano ng mu­ling pag-atake sa Marawi City.

Dagdag pa ng opis­yal, si Abu Dar ay nagre-recruit ng mga gustong maging miyembro ng Maute group kapalit ng P70,000 paunang bayad.

Nabatid na si Dar ay nakapuslit sa kasagsagan ng bakbakan sa Marawi City noong isang taon  para kumuha ng reinforcement noong mga panahon na matindi ang sagupaan sa lugar.

Subalit, dahil epektibo ang Martial Law noon, hindi na siya nakabalik pa ng Marawi.

Tiniyak din ng AFP na may nakakalat silang intelligence officers sa tent cities kung nasaan ang mga bakwit.

Ginagawa na rin ng militar ang lahat para hindi makapanggulo ang mga terorista at hindi maulit ang Marawi siege. EUNICE C.

 

Comments are closed.