SA loob ng selda ang bagsak ng lIder ng isang notoryus crime group at kanyang tatlong kasama na sangkot sa gun running at illegal drug activities matapos masakote ng mga awtoridad sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Ang pagkakaaresto kay Melvin De Jesus, 38-anyos, pinuno ng “Melvin Serrano Group”; Mark Anthony De Jesus, 33-anyos; Kelvin De Jesus, 30-anyos at Eddie Tornia, 33-anyos, pawang mga residente ng 23A Gervacio St. Brgy. Hulong Duhat ay matapos ang isinagawa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group of Northern Metro Manila District Filed Unit (CIDG-MMDFU) na search warrant operation sa ilalim ng “Oplan Paglalansag” at “Oplan Salikop” dakong alas-8 ng gabi sa loob ng bahay ng mga suspek.
Ayon kay CIDG-MMDFU chief Lt. Col. Jynleo Bautista, habang isinasagawa ang search warrant ay pumalag ang mga suspek at itinulak ang mga operatiba na sina CMSgt. Roberto Borromeo, SSgt. Jake Balberde at Cpl. Rex Ivan Laurnana bago nagpulasan sa magkakaibang direksyon.
Hinabol sila ng mga operatiba hanggang sa makorner ang mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Narekober ng pulisya sa mga suspek ang isang caliber .45 pistol na may magazine na kargado ng dalawang bala, isang caliber .38 revolver na may tatlong bala at isang itim na bag.
Ani Bautista, ang operation ay isinagawa sa pamamagitan ng isang search warrant na inisyu ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Antonia Largoza-Cantero para sa paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act. EVELYN GARCIA