MINDANAO-PATAY ang Commanding Officer ng Regional Operations Command (ROC) ng CPP-NPA Far South Mindanao Region (FSMR) at dalawang kasamahan nito matapos ang sunod sunod na sagupaan sa bayan ng Palimbang sa Barangay Baluan, Sultan Kudarat nitong Sabado ng umaga.
Ayon kay Col. Michael Santos, Commander ng 603rd Infantry (Persuader) Brigade matapos ang apat na magkakasunod na sagupaan ay napatay ng tropa si Ian Dela Rama alias Cris, commanding officer ng regional operations command ng FSMR Regional Committee.
Si dela Rama ay dati ring Secretary ng Front 4A, North Central Mindanao Regional Committee mula May 2018 – May 2019 at may nakabinbing warrant of arrest sa kasong Arson sa Butuan City.
Nabatid na nagsasagawa ng hot pursuit operation ang tropa ng 57th Infantry Battalion nang nakasagupa nila ang isang pulutong ng CPP-NPA sa Barangay Baluan matapos ang ilang minutong putukan ay tumakas ang mga rebeldeng NPA subalit hindi sila tinantanan ng mga sundalo.
Habang nagsagawa naman ng blocking operations ang mga sundalo mula sa mga kalapit na yunit kaya nagkaroon ng sunod sunod na sagupaan.
Sa isinagawang clearing operation ay nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Army 37th IB ang isang M16A1 rifle with short magazine na may 15 bala, at isang Garand rifle.
Habang nagsasagawa ng search and destroy operations, ang pinagsanib na pwersa ng 57IB at 63rd Division Reconnaissance Company ay narekober nila ang tatlong bangkay.
Ayon kay Lt. Gen. Alfredo Rosario, Jr., Commander ng Western Mindanao Command “Let us continue to work to dismantle all the remaining terrorist groups in our area of operation.” VERLIN RUIZ