BATANGAS- BUMAGSAK sa kamay ng pinagsanib puwersa ng Regional Intelligence Unit 4A, 1st Batangas mobile police force , Batangas provincial unit at Lipa City police station ang lider ng kilabot na ” Lucky Robbery and Kidnapping Criminal Group” na nag-ooperate sa Calabarzon at ilan siyudad sa Metro Manila.
Sa report ni Col. Glicerio Cansilao , Batangas police provincial director kay BGen. Antonio Yarra, police chief ng Calabarzon, kinilala ang suspek na si Vez Nathaniel Sunga , 34-anyos, walang asawa, walang trabaho at residente ng 1906 Franco Street, Tondo Manila.
Batay sa ulat, ang suspek ang namuno sa serye ng nakawan sa mga convenience store sa Muntinlupa, Las Pinas, Malabon, Lipa City, Tanauan at Lian sa Batangas.
Ayon sa pahayag ni Major Alfonso Saligumba, Batangas intelligence unit head, si Sunga at tatlo pang kasama nito ang sumalakay nitong Huwebes sa isang warehouse sa Meliton Espiritu compound sa Barangay San Antonio, Parañaque City kung saan nakakulimbat ang mga ito ng milyong halaga ng pera at mga kagamitan na ibiniyahe sa Batangas.
Sa tip ng isang impormante sa Parañaque police natunton ang kinaroroonan ng mga suspek sa Batangas kung kaya’t ikinasa ang hot pursuit operation sa barangay Ludlod, Lipa City.
Si Sunga ay may pending warrant of arrest na inisyu ng Metropolitan Trial Court National Capital Judicial Region branch lll ng Muntinlupa City. ARMAN CAMBE