LIDER NG ROBBERY GROUP ITINUMBA

CAVITE – KAMATAYAN ang sinapit ng 31-anyos na lider ng robbery group matapos itong ratratin ng dalawang armadong lalaki sa bahagi ng Pabahay Tropical Village sa General Trias City sa lalawigang ito kahapon ng umaga.

Napuruhan sa ulo ang biktimang si Mark Joseph Santiago y Rafanan habang tumakas naman ang mga suspek na sina Orac Alonto at Mohammad “Goten” Ampaso, kapwa nakatira sa nabanggit na lugar.

Sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, lumilitaw na may kahuntahan ang biktima nang lapitan at pagbabarilin ng dalawang suspek bandang alas-8:30 ng umaga.

Palakad na tumakas ang gunmen matapos isagawa ang pamamaril sa biktima.

Sa tala ng pulisya,si Mark Joseph ay lider ng Santiago Robbery Group at lumilinya rin sa operasyon ng droga sa nasabing lungsod.

Noong 2019 at 2020 ay pinagtangkaan din ang buhay ng biktima matapos itong ratratin ng suspek na si Alyas Jojo Muslim subalit nakaligtas kay kamatayan.

Ayon sa salaysay ng utol na si Geraldine Santiago, pinagbabaril din ang biktima noong Miyerkules ng gabi subalit hindi naman tinamaan. MHAR BASCO

12 thoughts on “LIDER NG ROBBERY GROUP ITINUMBA”

Comments are closed.