LIDER NG SANLA-BENTA GROUP, TIMBOG SA PULISYA

Arestado

LAGUNA – TIMBOG sa pinagsanib na kagawad ng Biñan City-PNP at Laguna Highway Patrol Group (HPG) ang itinu-turong lider ng Sanla-Benta Group matapos ang ikinasang operasyon ng mga ito sa Lungsod ng Biñan.

Sinasabing natuklasan ng pulisya ang modus ng suspek na Sanla-Benta na si Jaime Cabug Ravanilla, ng Parañaque City matapos mapaulat ang naganap umanong kaso ng carnapping sa lugar noong Lunes ng gabi.

Lulan umano ang magkabiyak na biktima sa isang kulay puting SUV na binili ng mga ito sa suspek ng halagang P360,000 kung saan iniulat na kinarnap na lingid sa kanilang kaalaman.

At sa pamamagitan ng isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ni Biñan City Chief of Police PLt. Col. Danilo Mendoza, agarang natukoy ng mga ito ang suspek na si Ravanilla kasunod ang isinagawang pag-aresto kamakalawa kung saan ay nagawa pa aniyang magtungo nito sa himpilan at nagpanggap na biktima rin ng carnapping.

Sa isinagawang pagsisiyasat ni Mendoza, lumilitaw na ang modus nito ay gagamit ang suspek ng ibang tao para makakuha ng sasakyan sa casa sa pamamagitan ng pagpo-post ng prospect ng mga ito sa social media.

Kapag nakakuha na ang mga ito ng kliyente, sila ang mag-aa­yos ng mga papeles, mag-finance sa casa at sila rin ang maglalabas ng sasakyan.

Kapag lumabas na ang sasakyan, bibigyan sila ng pera at cheque sa bangko pero nasa kanila pa rin ang sasakyan at dito nila ito isasanla.

Bago naman isanla kukuhanin nila ang duplicate na susi at kakabitan nila ito ng GPS para ma-monitor nila kung saan naroroon ang nasabing sasakyan bago nila ito karnapin, isasanla muli at ibebenta sa pamamagitan ng socmed dahil wala pa itong plaka.

At kapag may bumili, kukuhanin nila itong muli tapos mag­re-report sa pulis na kinarnap, paulit-ulit aniya ito at mahigit isang taon ng ginagawa, nasa higit 20 na ang bilang ng sasak­yan na involve dito, dagdag pa ni Mendoza.

Paalala nito sa mamamayan, kung bibili ng sasakyan, dumiretso na lamang sa casa at sa bangko, huwag ng gumamit pa ng social media para hindi na maisahan at maloko.

Matapos ipa-verify ng pulisya, natuklasan ng mga ito na may nakabinbin na warrant of arrest ang suspek kaugnay ng 3 counts na kaso ng estafa kung saan posibleng maharap ito sa panibagong kaso ng estafa at carnapping.

Narekober ng pulisya ang apat na SUV na pawang may mga reklamo mula sa mga nabiktima habang pinaghahanap pa ang iba sa mga ito at magsasagawa pa ang mga ito ng malalimang imbestigasyon.

Samantala, ayon naman kay Laguna Highway Patrol Group Chief PCaptain Ernesto Esguerra, gumagamit ng GPS ang suspek para mahanap ang mga sasakyan, pinarerentahan niya ito at ibebenta, kapag nahanap niyang muli ito, kukuhanin at idinedeklarang karnap.

Hindi alam nung mga biktima na ‘yung kanilang sasakyan ay ibinenta na sa iba, may mga report pa na nawala sa parking dahil monitor ito ng suspek.

Dahil dito, agarang nagpa alarma ang mga ito na may kaso ng carnapping pero wala dahil ang tumangay ay grupo ng suspek na may hawak ng duplicate na susi ng sasakyan na ginagawang modus ng mga ito, dagdag pa ni Esguerra.

Kaugnay nito, hindi naman nagbigay ng kanyang paha­yag ang suspek kung saan ang panawagan ni Calabarzon-PNP Director PBGen. Vicente Danao Jr., “Huwag ninyong biktimahin at pahirapan ang maliliit na­ting kababayan partikular ang mga overseas Filipino worker (OFW) at sana walang involve na pulis.”DICK GARAY