TAGUIG CITY- NADAKIP ng mga tauhan ng PNP-National Capital Regional Police Office (PNP-NCRPO) ang isang lalaking pinuno umano ng isang organized crime syndicate at kinokonsiderang most wanted person sa dragnet operation sa Tarlac City.
Kinilala ni PNP-NCRPO Director P/Maj Gen. Gulliermo Eleazar, ang inaresto na si Art Cris Villoria, 24-anyos at residente ng Marikina City.
Si Viloria ang umano’y pinuno ng criminal group na dawit sa droga at may mga kaso ng pagnanakaw sa Marikina at mga karatig-lungsod nito.
Bandang alas -11:50 ng umaga sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PNP-NCRPO Regional Intelligence Unit, Tarlac City Police Station at Marikina Police ang hideout ni Villoria sa Barangay San Vicente, Tarlac City.
Armado ng tatlong arrest warrants ang mga awtoridad na inilabas laban sa suspek para sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, robbery with violence against or intimidation of persons, at usurpation of authority.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Marikina City Police Station Custodial Facility. VERLIN RUIZ