LIDER NG SPARU TIKLO

CEBU CITY – ARESTADO ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cebu City Field Unit sa ilalim ng Oplan Salikop ang umano’y opisyal ng Communist Terrorist Group sa Plaza Sa Katawhan, Cebu Coastal Road sa nasabing lungsod kamakailan.

Kinilala ang naaresto na si alyas “Marlo,” Squad Leader ng Squad 1, Sandatahang Unit Propaganda, Platoon Central Negros 1, KR-CBNS, at  Team Leader ng  Sparu unit na nag-ooperate sa Negros Pro­vince.

Armado ng warrant of arrest ang mga awtoridad nang arestuhin ang suspek sa kasong double murder.

Ang warrant ay inilabas ni Hon. Rosario S. Carriaga, Assisting Judge of RTC Branch 64, Guihulngan City, Negros Oriental noon pang 2020.

Ang operasyon ay sa inisyatiba ng intelligence unit ng Philippine Air Force na nagkumpirma na nasa Cebu ang suspek.

Sinabi ni CIDG Director BGen. Nicolas Torre III na noon pang 2016 sumapi sa terorrist group si Marlo at siya ay ni-recruit ni alyas Ka Jembo sa  Guihulngan City, Negros Oriental.

Nakapokus ang operasyon ni Marlo sa mga bulubundukin ng Hinoba-an, Negros Occidental noong 2017 kung saan siya tinuruan ng guerrilla tactics at  subversive activities.

Taong 2018 nang mapasabak sa labanan sa militar si Marlo.

EUNICE CELARIO