LIDERATO ITATAYA NG LADY BLAZERS VS LADY CARDINALS

Volleyball

Standings W L
CSB 4 0
Arellano 4 1
SSC-R 4 1
Mapua 3 1
LPU 3 2
Perpetual 2 3
JRU 2 3
San Beda 1 4
Letran 1 4
EAC 0 5

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
12 noon – Mapua vs CSB
2:30 p.m. – Letran vs Arellano

TARGET ng College of Saint Benilde ang ika-5 sunod na panalo sa pagsagupa sa Mapua sa NCAA women’s volleyball tournament ngayon sa Paco Arena.

Ayaw ni coach Jerry Yee na magkampante ang kanyang Lady Blazers sa kabila ng perfect record sa 12 noon duel sa Lady Cardinals, na gumagawa ng ingay ngayong season na may 3-1 record.

“Tinitingnan ko ‘yung level of excitement ng game namin, parang flat. I hope I don’t come off as negative or hindi kuntento or perfectionist. Tayo, bantayan natin kung ano’ng dapat natin i-work,” sabi ni Yee makaraang walisin ng CSB ang kulelat na Emilio Aguinaldo College, 25-16, 25-16, 25-16, noong Biyernes.

Samantala, puntirya ng titleholder Arellano University ang solo second sa pagharap sa Letran sa isa pang laro sa alas-2:30 ng hapon.

Sa kabila ng 4-1 marka, batid ni coach Obet Javier na kailangan pang pagbutihin ng Lady Chiefs ang kanilang laro.

“’Yung performance ng team ko talagang malayo pa, kahit sabihin nating nananalo. Marami pa rin kaming mga kulang na kailangang i-improve,” ani Javier matapos na pataubin ng Arellano ang Jose Rizal University, 25-18, 19-25, 25-18, 25-19, noong Sabado.

Consistent si hitter Gayle Pascual, kasalukuyang nangunguna sa spiking department, para sa Lady Blazers, habang sina Mycah Go at Jade Gentapa ay nagpoprodyus ng solid numbers, salamat sa pagsasaayos ni setter Cloanne Mondoñedo sa opensa.

Hindi maaaring maliitin ng CSB ang Mapua sa presensiya ni Nicole Ong, na nangunguna sa blocking department, kasama sina Jonina Fernandez at Tere Manalo.

Hindi pa natatalo ang Lady Cardinals magmula nang yumuko sa Lady Chiefs sa straight-sets sa opening day.

“’Yun nga sinasabi ko sa mga kasamahan namin, ‘pag nasa harapan si Nicole, samantalahin natin. Hangga’t puwede tayo dumepensa na nandiyan siya sa ibabaw, gawin namin kasi sa kanya talaga kami kumukuha ng puntos which is nababasa na nga ng kalaban yung ginagawa namin,” sabi ni Mapua coach Aying Esteban.

May 1-4 record, ang Lady Knights ay bawal nang matalo kung gusto nilang makapasok sa Final Four.