NAGPATUPAD si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng mga pagbabago sa liderato ng Department of Agriculture (DA) sa layuning epektibong maipatupad ang direktiba ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. na imodernisa ang farm sector at tiyakin ang food security ng bansa.
Nagpalabas ang agriculture chief ng serye ng special orders na nagre-reassign sa ilang key DA officials upang higit na magamit ang kanilang talento at malawak na karanasan.
Kabilang dito si senior Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian na itinalagang miyembro ng Secretary’s Technical Advisory Group para mapakinabangan ang kanyang malalim na kaalaman sa farm sector, partikular sa rice production.
Noong Pebrero ng nakaraang taon, si Sebastian ay itinalagang undersecretary para sa Rice Industry Development Program, na nagpahintulot din sa kanya na katawanin si Marcos, na noo’y
agriculture chief, sa mga function tulad ng pamumuno sa steering committee ng Rice Competitiveness Enhancement Fund Program; umupo sa board ng Philippine Rice Research Institute; lumahok sa National Food Authority Council; at umaktong trustee sa boards ng National Irrigation Administration at ng International Rice Research Institute.
Kailangan nang bitiwan ni Sebastian ang naturang mga gawain kasunod ng pagtalaga sa kanya bilang adviser kay Secretary Tiu Laurel Jr.
Samantala, si director U. Nichols Manalo ay itinalagang director ng national rice program, isang posisyon na hahawakan niya kasabay ng pagiging director IV at officer-in-charge-director ng field operations service, at director ng national corn program.
Si Assistant Secretary Arnel de Mesa ay itinalaga bilang full-time spokesman ng DA.
Si OIC-Undersecretary for Operations Roger Navarro, isang engineer by training, ay magsisilbi ring OIC-Undersectary for Rice Industry Development, OIC-national project director ng Philippine Rural Development Project, at OIC-Assistant Secretary for Operations.
Hinirang naman si Undersecretary for Fisheries Drusila Esther Bayate bilang Undersecretary for Policy, Planning and Regulations sa concurrent capacity.
Itinalaga naman si Undersecretary Mercedita Sombilla na pangasiwaan ang mga operasyon at i-coordinate ang mga programa ng DA Bureaus.
Si Chief Administrative Officer and OIC director for financial and management service Thelma Tolentino ay itinalaga sa current capacity bilang Undersecretary-designate for Finance.
Pangangasiwaan naman ni Undersecretary Agnes Catherine Miranda ang mga operasyon at iko-coordinate ang mga programa ng DA Attached Agencies and Corporations.