NAG-PANIC at hindi na nakapagsuot ng life jackets bago tumalon ng barko ang mga biktima ng nasunog na barko sa Basilan.
Ito ang inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) nang sumiklab ang sunog sa M/V Lady Mary Joy 3 sa baluk Baluk Island nitong Miyerkules habang naglalakbay mula sa Zamboanga City sa Mindanao Island patungong Jolo sa lalawigan ng Sulu.
Nag-iwan ng 31 kataong patay ang insidente kung saan 11 ang nasawi sa pagkalunod at natagpuan ang karamihan na walang life vest.
“Napakalaki agad ng sunog at yun po siguro dahilan kaya nag-panic yung iba,” sabi ni PCG spokesperson Commodore Armand Balilo.
Habang ang ibang nasawi ay natagpuan na sa barko at sasailalim sa DNA testing.
Nasa 216 pasahero naman ang nasagip habang 7 nanay ang nananatiling nawawala.
Sinabi ng opisyal na hindi overloaded ng mga pasahero ang barko nang mangyari ang insidente.
“Yung total capacity niya is 430. Kung titingnan naman natin yung manifesto including the crew, ano na siya, total of 252. At based naman doon sa mga testimony rin ng mga naka-survive, hindi naman sila overcrowded doon sa loob
ng barko,” sabi ng PCG.
Sinabi rin ng PCG na 33 taong gulang na ang barko pero ito ay well-maintained naman base sa mga impormasyon nakalap.
Tinitignan na rin ng PCG ang ulat na nagsimula sa air-conditioned cabin ang sunog.
Idinagdag ni Balilo na sa kabila ng sunog at oil spill sa Mindoro, may sapat na tauhan ang PCG para masubaybayan ang inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa Semana Santa.
“Nakaalerto po ang ating mga K-9 units, mga sea marshals, safety inspectors, at tiyak handa rin po ang ating search and rescue, pero wag naman po sana. Meron din po tayong mga passenger assistance center at nagmomonitor din po tayo sa mga colorum vessels,” dagdag pa ni Balilo.
EVELYN GARCIA