INAASAHANG mahahatulan ng habambuhay na pagkakakulong, bukod pa sa milyon milyong multa ang ipapataw sa mga mahuhuling smugglers, at hoarders kung tuluyang maisasabatas ang “Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.”
Ito ay ayon kay AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones, kaya naman hiniling na ng mga magsasaka at mangingisda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lagdaan na niya ang nasabing batas na niratipikahan na sa Kongreso at Senado.
“Alam kong seryoso ang Pangulo na habulin ang mga nagsasamantala, naalala ko pa nga ang binigkas niya noong nakaraang SONA 2023, at sinabing bilang na ang araw ng mga smugglers at hoarders ng mga produktong pang-agrikultura. Panawagan lamang namin, hindi man ito nabanggit sa nagdaang SONA 2024, sana ay lagdaan na niya ito at maisabatas,” ani Briones.
Paliwanag niya, na layunin ng panukalang batas na ipawalang-bisa ang Republic Act No. 10845, o ang “Anti-Agricultural Smuggling Act,” at magpataw ng matinding parusa para sa smuggling, hoarding, profiteering, at pagbuo ng mga kartel ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan.
Nakasaad din sa batas ang pagkakaroon ng National Council under the office of the President kung saan pitong sektor ng agrikultura ang mangunguna na mayroong enforcement group na NBI, PNP at Coast Guard. May special prosecutors, at lifetime imprisonment ang parusa, 3x ang multa batay sa halaga ng na-smuggle, at non bailable aniya ang kaso na maaaring ipataw sa mga mahuhuli.
Isa rin sa probisyon ng batas na maaari ring mag-file ng kaso ang private citizen at may rewards sa mga tipster o whistle blower mula P1M hanggang P20M o 20% kung anuman.ang mataas.
PAUL ROLDAN