‘LIFE’ SA BANK HACKERS, ATM SKIMMERS

HACKERS-2

APRUBADO na sa ikatlo at hu­ling pagbasa sa Senado ang panukalang batas na naglalayong patawan ng habambuhay na pagkabilanggo ang bank hackers at ATM skimmers.

Sa botong 20-0, pa­sado na sa Senado ang nasabing panukala na magdedeklara sa pangha-hack ng mga bangko bilang ‘econom-ic sabotage’, dahilan para makulong ng habambuhay ang mga mapatutunayang lalabag dito.

Bukod sa pagkakulong, pagmumultahin din ng aabot sa P5 milyon ang nagkasala kung tuluyang maisasabatas ito.

Ginamit ng Senado ang bersiyon ng Kamara, o ang House Bill 6710, para maamyendahan ang Republic Act 8484 o ang ‘Ac-cess Devices Regulation Act of 1998’.

Saklaw rin ng natu­rang panukala ang automated teller machine (ATM) fraud sa pamamagitan ng ‘skimming’, ‘hacking’ ng sistema ng bangko at pa­memeke ng credit o debit card.

Sa ilalim ng panukala,  ituturing na economic sabotage ang pag-skim ng 50 o mas marami pang ATM card o online banking ac-counts, credit cards at debit cards.

Non-bailable ang nasabing krimen at ­maaaring patawan ng P1 milyon hanggang P5 milyong multa bukod sa habambuhay na pagkakakulong.

Maaari ring makulong ng 12 hanggang 20 taon at mapatawan ng multang ‘di bababa sa P500,000 ang makikitaan ng 10 o mas marami pang card skimming device kung nakapasok sa isang account pataas.

At kung makikitaan ng 10 o mas marami pang counterfeit access devices o kaparehong gamit ang isang tao ngunit napatu-na­yang hindi nakapasok sa anumang account, mahaharap lamang ito sa mas mababang parusa na anim hanggang 12 taong pagka-kakulong at may P300,000 multa.

Sa mga magsasagawa ng kahina-hinalang paggamit ng mga credit card, makukulong ang mga ito ng apat hanggang anim na taon at papatawan  ng multang dalawang beses na mas malaki kaysa sa halagang nakuha.

Pagmumultahin na­man ng hanggang P800,000 at may 12 hanggang 20 pagkakakulong ang mga mapatutunayang lumabag sa Section 9 ng RA 8484.

Sa nasabing panukala, binigyan ng dagdag na kapangyarihan ang National Bureau of Investigations at Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police para imbestigahan ang pandaraya. VICKY CERVALES

Comments are closed.