LIFE SIZE STATUE NI DA KING PINASINAYAAN SA KANYANG 85TH KAARAWAN

PINANGUNAHAN ni Sen. Grace Poe kasama ang kanyang anak na si Brian Poe Llamanzares, chairman ng FPJ Panday Bayanihan Foundation, ang pagsasapubliko ng rebulto ng kanyang yumaong ama na si Fernando Poe Jr. sa FPJ Arena sa San Jose, Batangas noong Martes (Agosto 20) kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-85 kapanganakan ng Hari ng Pelikulang Pilipino.

BATANGAS – Sa pagdiriwang ng ika-85 kaarawan ni Da King Fernando Poe Jr. nitong, Agosto 20, pinasinayaan sa FPJ Arena sa San Jose, ang kanyang life-size na rebulto.

Sinaksihan ang okasyon ng kanyang anak na si Senator Grace Poe at apo na si Brian Llamanzares kabilang ang mga mayor ng iba’t ibang bayan sa lalawigan.

Ayon sa senadora, sabay sa pagdiriwang ang paggunita sa mga kadakilaan at mga ehemplo na nagawa ng kanyang amang si FPJ para sa mga Filipino.

“Maraming-maraming salamat sa patuloy ninyong pagsubaybay sa mga pelikula ni FPJ, sa mga teleserye. … Simbolo talaga siya na naging inspirasyon sa ating mga kababayan para sa kagitingan, pagtulong. Kaya muli, maraming salamat sa pag-alala ng kanyang 85th birthday,” ani Senator Grace Poe.

Nililok ni Jordan Mendoza ang rebulto ng Hari ng Pelikulang Pilipino.

Naging malaking inspirasyon umano niya ang mga pelikula ni FPJ sa pagbuo ng estatwa.

VC