MAHIGPIT ang babala nina Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III, Bureau of Internal Revenue Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay at Bureau of Customs Commissioner Isidro ‘Sid’ Lapeña na masisibak sa puwesto at kakasuhan ang sinumang opisyal at kawani na mahuhuling tumatanggap ng suhol o ‘lagay’ mula sa mga taxpayer sa sistema ng pagtatapos ng anumang tax case na iniimbestigahan ng Kawanihan at Aduana.
Bunsod ito ng ‘warning’ mismo ni Presidente Rodrigo Duterte na kanyang lilipulin ang mga tiwali o korap sa kanyang gobyerno.
Ito ang dahilan kung bakit may direktiba si Pangulong Digong kay Secretary Sonny na muling magsagawa ng ‘total revamp’ sa BIR at BOC.
Kasama rin sa utos ng Malacañang ang pagsasailalim sa ‘lifestyle check’ ng nabanggit na mga opisyal sa harap ng report na marami sa mga ito ang diumano’y may mga tagong-yaman at naging ‘instant millionaire’.
Sa kabila nito, inamin ng Malacañang na malaki ang tiwala nito sa kakayahan nina Commissioners Dulay at Lapeña na supilin ang mga tiwali sa BIR at BOC.
Ang BIR at BOC ay dalawa lamang sa mga tanggapan ng gobyerno na sinasabing talamak ang katiwalian at unang nilinis ng Palasyo kung kaya naalarma ito sa dumaraming sumbong na nagbabadyang bumabalik ang korapsiyon sa nabanggit na mga ahensiya.
Ayon sa source, naging tradisyon na rin sa BIR ang pagtanggap ng pabaon ng mga magreretirong regional directos at revenue district officer mula sa malalaking business organizations o mismong sa mga may-ari ng malalaking kompanya.
Sinisilip na rin ang ‘rata’ o ‘lagay’ mula sa porsiyentong tinatanggap ng mga opisyal na mula 20 hanggang 30 percent at 10 to 50 percent mula sa tinatawag na RP at PR.
Ang RP, ayon pa sa source, ay mula sa ibinayad na buwis ng taxpayer na papasok sa koleksiyon ng buwis at ang bahagi o parte sa ibinubulsang buwis ay tinawag namang PR o ‘rata’ o sa rektang salita ay ‘lagay’.
Ang sinasabing ‘pabaon’ sa BOC at BIR ay giniba na matapos italaga ni Presidente Digong sina Lapeña at Dulay. Ginawa nila ito upang ang lahat ng koleksiyon sa buwis ay direktang mapunta sa kaban ng bayan at matiyak na walang papasok sa bulsa ng mga tiwaling opisyal at kawani nito.
Nauna nang giniba ang ‘lagayan blues’ sa BOC nang sumabog ang balitang pagpupuslit ng P6.2 bilyong halaga ng shabu sa Aduana na naging sentro ng imbestigasyon ng Senado at Kamara.
Tulad ni Secretary Dominguez, sina Commissioner Billy at Commissioner Sid ay kapwa may commitment kay Pangulong Duterte sa totohanang paglilinis sa katiwalian sa kani-kanilang tanggapan para maibalik ang magandang imahe ng mga ito mula sa pagiging ‘graft-ridden agencies’.
Ang ikinakasang bagong balasahan sa BIR ay naglalayon ding mapunan ang sinasabing napakarami pang bakanteng posisyon sa hanay ng mga nakatakdang magretiro.
Ibayong higpit ang ginagawa ngayong pagmamanman sa mga opisyal sa BIR at BOC upang matiyak na hindi makalulusot ang mga ito sa paggawa ng katiwalian.
Para sa komento at opinyon, mag-text lamang po sa 09293652344 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.