TOTOO nga bang si newly-appointed Bureau of Internal Revenue Commissioner Lilian Guillermo ay sobrang istrikto higit sa pagpapatakbo ng kanyang opisina at hindi basta-basta nagdedesisyon sa isang napakahalagang bagay o isyu?
Para sa pinakamataas na posisyon sa BIR, itinalaga ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. si Bangko Sentral ng Pilipinas Assistant Governor Lilia Guillermo bilang kapalit ni outgoing Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay na nagsilbi ng buong termino ni Presidente Rodrigo Duterte.
“Ang matibay na background ni Guillermo sa IT at ang halos apat na dekada nitong paglilingkod sa BIR ay umakma sa layunin ni BBM na mas palakihin o pataasin ang kita sa pamamagitan ng mahusay na koleksiyon sa buwis,” pahayag mismo ni Press Secretary-designate Lawyer Trixie Cruz-Angeles.
“Sa totoo lang, malaki ang obligasyon ng Kawanihan na kumolekta ng malaking buwis, dahil bukod sa napakataas ng tax collection goal nito ay mataas din ang pambansang budget, ang bayarin sa mga pagkakautang sa loob at labas ng bansa at mga financial obligations na haharapin ni President-elect BB Marcos,” sabi ni incoming BIR Commissioner Guillermo.
Isang hamon din na kakaharapin ni Guillermo sa pag-upo niya sa BIR ang normal na pagbalasa sa mga key posistion — depende sa kanilang tax collection performance – ang pagsugpo sa graft and corruptions, mga paraan sa modernong implementasyon ng computerization programs at mga ideya sa pagpapalakas ng tax collections.
Prangka at istrikto talaga sa pamamalakad si Guillermo, ayon mismo kay incoming Finance Secretary Benjamin Diokno, kaya ito ang napisil niyang maging commissioner ng Rentas.
Sa usapin ukol sa ibinabatong isyu ng tax evasion o pagkakautang sa estate tax ng pamilya Marcos, sinabi ni Guillermo na mas mainam na mabasa muna niya ang desisyon ng korte kung mandato ng BIR na sila ang kumolekta ng buwis upang kausapin ang uupong Pangulo ng bansa na maging halimbawa sa pagbabayad ng buwis.
Gusto ni Guillermo na maging role model si Marcos sa pagbabayad ng buwis. ‘Di naman daw siya (BBM) ang magbabayad ng P203 bilyong unpaid estate tax, kundi ang estado.
Gayunman, nilinaw niya na kung hindi naman mandato ng BIR na sila pa ang sumingil o may desisyon na ang korte sa kung paano ito kokolektahin sa pamilya Marcos at final and executory ang desisyon ng husgado, ang korte na ang bahalagang kumolekta sa nasabing pagkakautang.
Una nang sinabi ni Diokno na ‘unfair’ naman sa kanya na desisyunan ang usaping ito na halos tatlong dekada nang pinagtatalunan.
Sa kanilang pananalita, maliwanag na ipinagkakatiwala na nina Diono at Guillermo sa korte ang desisyon ukol sa bagay na ito.
Sa isang pahayag, sinabi ni Guillermo na isasailalim niya sa ‘lifestyle check’ ang mga opisyal ng BIR na pinaghihinalaang may itinatagong yaman. Maging ang mga malalaking taxpayers ay plano din niyang isailalim sa ‘lifestyle check’ lalo na yaong lantad naman ang uri ng pamumuhay.
Sinabi ng incoming BIR chief na hind naman siya agad magpapatupad ng major revamp. Ito ay gagawin niya sa sandaling makitang bumabagsak ang koeksiyon o nagpapabaya sa puwesto ang top revenue officials and men.
Hinimok din niya ang taxpaying public na personal na magharap ng reklamo sa kanya o magsumbong laban sa sinumang tiwaling opisyal at kawani ng Rentas.
Sa mga susunod na araw matapos siyang magsimulang manungkulan sa Kawanihan, sinabi ni Guillermo na lilika siya ng isang ‘robot’ sa social media na pamamahalaan ng BIR at dito ay maaari nilang ipadala ang kanilang sumbong o reklamo at ito ay sasagutin mismo ng nilikhang ‘robot’ at lahat ng impormasyon, pangalan ng complainant ay mananatiling sikreto o confidential.
Hihikayatin din umano ni Diokno si Secretary Dominguez na ibigay sa kanila ni Guillermo ang mga nakalap na ebidensiya, desisyon o impormasyon laban sa mga opisyal at empleyado ng Bureau of Customs at BIR na mga unang isinailalim sa pangangasiwa ng anti-corruption arm ng Revenue Integrity Protection Service (RIPS) na nasa hurisdiksiyon ng DOF na umano’y pawang sinampahan ng mga kaso ng katiwalian, dinismis sa serbisyo at naparusahan.
Una nang inireport ng RIPS kay Dominguez na may 77, bukod pa sa sumunod na 58 opisyal o kawani ng BIR-BOC ang napatawan ng parusa, kinastigo sa umano’y katiwalian, kinasuhan sa korte, sa Office of the Ombudsman, Civil Serice Commission at nadismis sa serbisyo.
Bukod sa BIR-BOC, sinabi sa report na kabilang din sa mga inimbestigahan ang mismong ilang opisyal ng DOF sa Central Office, Bureau of Local Government Finance (BLGF), Bureau of Treasury (BTr) at maging sa Insurance Commission (IC).
Si Guillermo ay dating nagsilbing depcom sa BIR at pinangunahan ang tax computerization project ng ahensiya at nagsilbi ring undersecretary ng Department of Budget and Management.
o0o
(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag- email sa [email protected].)