LIFESTYLE CHECKS SA DOF EXECS, KAMPANYA VS KORUPSIYON PINAIGTING

Carlos Dominguez III

NAGSASAGAWA ang Department of Finance (DOF) ng mahigpit na lifestyle checks sa mga opisyal at empleyado nito kaugnay sa pinaigting na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa korupsiyon, ayon kay Secretary Carlos Dominguez III.

Gayundin ay isinusulong ng DOF ang patuloy na pagrepaso sa mga proseso sa lahat ng tanggapan nito upang mabawasan pa ang oportunidad  sa paggawa ng katiwalian.

Ayon kay Dominguez, bagama’t matagal nang iniimbestigahan ng DOF ang mga alegasyon ng dishonesty at korupsiyon sa DOF at sa attached agencies nito, nangunguna rin ito sa kampanya ng pamahalaan laban sa “state capture,” na inilarawan niya bilang “isa sa pinakamasamang anyo ng korupsiyon” na kinasasangkutan ng mga pribadong indibidwal na nagtatangkang impluwensiyahan ang policy-making at binabalewala ang interes ng publiko para sa kanilang sariling kapakinabangan.

“The DOF has been sharing its knowledge about state capture with regulators and key government officials to help identify the manipulative schemes perpetuated by “these grafters and influence peddlers” and stop them in their tracks,” sabi ni Dominguez sa kanyang mensahe ng pagsuporta sa anti-corruption campaign ng Pangulo.

Ang mensahe ni Dominguez ay inere sa weekend teleradyo program ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa radio station DZRJ.

Sinabi ni Dominguez na ang Revenue Integrity Protection Service (RIPS) ng DOF ay nakapagsagawa ng imbestigasyon sa 403 officials at employees ng Department at ng attached agencies magmula nang maupo sa puwesto si Presidente Duterte noong 2016.

“Public officials and employees should be held to the highest standards of integrity and accountability. Rest assured, the Department of Finance will always be at the forefront of the institution of necessary reforms to achieve the President’s goals of honest and efficient governance,” pagbibigay-diin ni Dominguez.

Nilikha noong 2003, ang RIPS ay may mandato na alamin at imbestigahan ang mga sumbong at reklamo at sugpuin ang korupsiyon sa DOF at sa attached agencies nito tulad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).

“The anti-corruption probes of the RIPS have led to the filing of administrative and/or criminal cases against 60 errant public officers, of which 14 have already been dismissed from the service,” dagdag ni Dominguez.

Comments are closed.