LIFETIME CELLPHONE NUMBER, LUSOT NA SA BICAM PANEL

Sen Sherwin Gatchalian-2

LUSOT na sa bicameral conference committee ang batas na naglalayong pahintulutan ang mga consumer na panatilihin ang kanilang mobile number ng habambuhay kahit pa magpalit sila ng service providers  o subscription plans.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs at may akda ng panukalang batas, ang pag-apruba sa bill ay napa­panahon sa pagpasok ng ikatlong telecommunications company sa bansa.

Aniya, sa dami ng number sa phonebook ng isang subscriber ay  mahihirapan itong isa-isahin at i-text ang mga kaibigan kung kaya mas makabubuti na ang old cell number na lang din ang gamitin sa lilipatang service provider.

“Itong bill ay naaprubahan na. Ang importanteng features nito ay ang consumers natin na gustong lumipat sa third telco, hindi na nila kailangang magpalit pa ng cellphone numbers so puwede na nilang dala-dala ang kanilang numbers,” ani Gatchalian matapos ang  bicameral conference committee hearing.

Sa ilalim ng panukala, ang mga may-ari ng postpaid ay mawawalan lamang dapat ng signal sa loob ng dalawa hanggang apat na oras kapag lumipat sa ibang service provider kung ang dating cell number ang gagamitin.

Sa mga prepaid naman ay kailangang iparehistro ang old number sakaling lumipat sa ibang provider.

Kasabay nito, pinaalalahanan ng senador ang mga telco na hindi papayag na gamitin ang lumang number ng kanilang subscriber na lilipat sa ibang telco na pagmumultahin sila ng hanggang P40 milyon  at  kakanselahin ang prangkisa ng mga ito. VICKY CERVALES

Comments are closed.