LIGALIG SA KALIKASAN

MASAlamin

MAY ligalig sa kalikasan. Ang mga ibon ay umaawit ng may pagmamadali. Animo mayroong gumagambala sa kanilang matahimik na pamumuhay. Maging ang mga aso’y animo’y mga ulol na nag-aaway hanggang magkaduguan. Ang mga langgam ay kulo-kulompol na nagsisipagtago.

Kara-karaka’y may mga ipo-ipong nabubuo sa mga bukas na hangganan, ang init ng araw ay may kurot sa balat, ang lamig naman sa gabi at madaling-araw ay kumukubkob sa kaluluwa.

May ilang tao ang pumupulandit na lamang ng pag-awit, may ilan ding nangaiipon sa sulok-sulok ng siyudad na may ibayong kagutuman sa mga mata.

Banaag ang lupit sa mga naghahari-harian, mga nabubuhay naman sa suweldo ay kinukuyom ang isang dakot na pag-asa. May mga naglalakas-loob na maghanapbuhay nang patago, pinasisidhi ang tapang ng kumakalam na sikmura.

Sa ibang bayan ay dumadagundong ang niyebeng lumalamon sa mga kalupaan, mga bal­yenang nagpapadausdos na lamang sa mga dalampasigan hanggang bawian ng buhay. Mga bungang bubot pa ay nangasisipaglaglagan at mga bubuyog nagkakawalaan.

Maraming manunulat ay pinagdadamutan na ng salita, ang mga nunong tagapagdasal ay nakatutok na sa bulsa. Winawala na rin ang karangalan sa mga medalya, mga balita ay sapantaha na lamang.

Ang maliliit na bayrus ay nagpapatumba na ng mga siyudad, ang bulkan ay ngingisi-ngisi na lamang. Ang mga buwitre ng lipunan ay nagliliparan, sa himpapawid sila ay nakamata sa mga anghel ng kamatayan.

Ang tubig ay dara­ting-hindi, ang ilaw ay kukurap-kurap. Ang mga basura ay pilit itinatago sa ilalim ng lupa at tinatakpan ng mapanlinglang na ngiti.

Ang mga demonyo ay nagtanggal na ng kani-kanilang mga maskara, at ang mga nag-iisip ay naligaw na sa bungo nila.

May isang langgam akong nasumpungan, binigyan ko ng isang butil ng asukal, ngunit mas piniling magpakalunod sa tilamsik ng plema.

Comments are closed.