ISINULONG ni Cavite 2nd District Representative Lani Mercado-Revilla, kasama sina Cavite 1st District Rep. Ramon “Jolo” Revilla III at Agimat party-list Rep. Bryan Revilla ang isang panukalang-batas na naglalayon na igiit ang soberanya sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang parola o lighthouse sa Ayungin Shoal na tinatawag din na Bajo de Masinloc.
Sinang-ayunan ng mga Revilla si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na hindi lamang sapat ang mga diplomatikong protesta sa ginagawang pambu-bully ng China sa WPS.
“It is imperative that we also enhance our presence in the Ayungin Shoal, and constructing a lighthouse there is a vital step forward,” paliwanag ng mga Revilla sa kanilang inihaing House Bill 10226.
Kanilang binigyang-diin ang pangangailangan na igiit ang karapatan ng bansa sa mga teritoryo nito sa WPS sa gitna ng tahasang pang-uudyok ng China ng sigalot.
Sa kanilang panukalang-batas, naatasan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magplano, magdisenyo at magtayo ng iminumungkahing parola o lighthouse.
Samantala, ang Philippine Coast Guard (PCG) ang may responsibilidad sa pamamahala ng parola sa Ayungin Shoal.
Matatandaan na noong 1991 sa ilalim ng administrasyon ng dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada ay sinadyang isadsad ang kalawanging BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal bilang simbolo ng soberanya ng Pilipinas sa naturang teritoryo na pilit inaangkin ng China.
JUNEX DORONIO