LIGTAS ANG MGA ESTUDYANTE KAHIT PUMUTOK ANG TAAL VOLCANO

SINIGURO ng Department of Education (DepEd) na ligtas ang libo-li­bong mag-aaral na naninirahan sa mga apektadong lugar kahit pa sumabog ang Taal volcano.

“Ating babantayan ang mga learners na magiging safe sila, kaya binabantayan din natin yung permanent danger zones kasi there are places na considered as danger zones na talagang may face-to-face classes, pero may eskuwelahan o wala, talagang di na yan pwede na magkaroon tayo ng klase doon at activities ng mga bata,” ayon kay Education Secretary Leonor Magtolis Briones.

Sa Laging Handa press conference, pumayag din si President Rodrigo Roa Duterte na kailangang maging ligtas sa kahit anong paraan ang mga estudyante, at kailangan din silang mailayo sa danger zones sakali mang pumutok nga ang bulkan.

“They (learners) have to be protected. If the atmosphere is clouded with itong mga harmful elements, hindi talaga papasukin ‘yan, as a matter of fact, ipalayo mo,” ayon naman kay President Duterte. “Normalcy must be achieved there, pag hindi pa normal ang situation, it would be on the side of prudence, ‘wag na natin i-expose yung mga anak,” dagdag pa niya.

Noong  March 29, inireport ng Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) na walong (8) iskwelahang nasa loob ng Permanent and Extended Danger Zones (PDZ), ang direktang apektado ng pagputok ng bulkan. Sinuspindi ng local government units ng Agoncillo at Laurel ang klase sa 22 is­kwelahan. Base sa mabilisang assessment na isinagawa ng DepEd Quick Response and Recovery Team (QRRT), nakita sa partial data na 1,275 mag-aaral at 132 personnel ang naging bakwit sa mga itinalagang evacuation centers (ECs), habang 82 mag-aaral naman ang nagbakwit sa kanilang mga kaanak sa nasabi ring mga municipalidad. May 35 mag-aaral din ang lumipat sa ibang probinsya at ibang rehiyon.

“Yung dito sa Batangas, yung mga school na na-identify as permanent danger zone, yung na-identify na they are already compromised or they could be compromised kapag nag-escalate ang pagputok ng volcano, nag-suspend tayo ng klase,” binigyang diin ni Briones.

Sinabi rin ng kalihim na nakikipagtalastasan na ang DepEd sa DOH at DILG sa pagmomonitor at pagbibigay ng ayuda at tulong sa mga iskwelahang apektado sa SDO Batangas.

“Binigyan tayo ng share ng Department of Health ng mga health kits na magagamit kung sakaling kailanganin ng mga bata at ng mga schools natin. Tulungan ang nangyayari, with the DOH and DILG,” sabi pa ni Briones.

Sinabi rin ng Education Chief na may kapasidad ang kanilang Department para sa preparedness and response measures. Binigyang diin nilang may karanasan na ang DepEd sa mga ganitong disaster bukod pa sa nabisita na nila ang mga apektadong is­kwelahan sa Batangas nang pumutok ang Taal volcano noong 2020.