GOOD day mga kapasada!
Ang mabining simoy ng hangin mula sa sulok ng mga mall, plaza ng simbahan na dumadampi sa pisngi ng balana ay lubhang katakamtakam. E, ano pa nga ba, sino ang hindi magdadalang gutom kung ang mabining dampi ng simoy ng hapon ay maghahatid ng amoy ng nakatatakam na puto bombong, kutsinta, kusilba at bibingka, idagdag pa rito ang suman sa ibos, at ang salabat na panlakip sa mga karaniwang kakaning handog kapag dumarating ang dakilang Araw ng mga Patay (all souls day at all saints day). Gayundin ang pagsilang ng Dakilang Mesiyas sa Sabsaban (when Jesus was born in a manger) sa susunod na buwan ng Disyembre, another month na hudyat na naman ng paglilimayon sa kani-kanilang sinilangang domain.
Ito ang panahon na pinaghahandaan ng ating mga kapatid, kamag-anak, kaibigan at ng kabuuang bansang Filipinas. ‘Di nga naman kasi, ito ang panahong naghuhudyat ng paglilimayon sa kani-kanilang lalawigang sinilangan na minsan lang sa isang taon kung kanilang pag-aksayahan ng panahon na makatalamitam ang mga mahal sa buhay.
PANGKALIGTASANG PAGLALAKBAY PINAGHAHANDAAN NG LTO
Ang pananabik ng ating mga kapasada na makapagbalik-lalawigan ay kasing sidhi ng pagnanasa ng Land Transportation Office (LTO) at ng iba pang mga ahensiya ng transportasyon ng pamahalaan na makatuklas ng mabisang lunas kontra sa masamang ibubunga ng ‘di kahandaan sa mahabang biyahe sa lansangan.
Tiniyak ng LTO nitong nakaraang linggo na nagsimula na sila ng pagsasagawa ng matinding pagsisikap upang makatiyak sa road safety (kaligtasan sa paglalakbay) ng ating mga kababayang patungo sa mga lalawigan, sa nalalapit na Undas.
Kaugnay nito, inihayag ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante na ang lahat ng mga sangay ng LTO at mga tanggapan sa ilalim nito ay inutusang maghanda sa mga hindi inaasahang pangyayari sa kalye sa taunang paggunita sa tradisyong “Undas” sa Nobyembre 1 at 2 ng taong kasalukuyan.
Idinagdag ni Assistant Secretary Galvante ang kanilang ginagawang pagtuklas at pagpapatupad ng mga pangkaligtasang tip sa mga motorista ay bahagi ng kanilang taunang (annual) “Oplan Biyaheng Ayos: Undas” na ipinatutupad sa pamamagitan ng Department of Transportation (DOTr).
Binigyang diin ni Galvante nasa panahon ng Undas, milyon-milyong Filipino ang inaasahang magsisipaglakbay patungo sa kani-kanilang mga lalawigan lakip ang tuwa at galak na muling makatalamitam ang kanilang mga kamag-anak na taon din ang binibilang bago sila magkaroon ng muling pagbubuklod ng damdamin (bonding).
“Nagkataon ding long weekend. Nararapat lamang na tiyakin na makararating sila sa kani-kanilang patutunguhan ng ligtas at mapayapang paglalakbay, komportable at walang anumang aberya sa lansangan,” diin ni Galvante.
VEHICLE ROAD INSPECTION IPATUTUPAD NG LTO
Kahanay ng paghahandang pangkaligtasan sa long travel ng mga motorista na magbabalik-lalawigan sa pagdiriwang ng araw ng mga namayapa, binigyang diin naman ni Galvante na kahanay ng kanilang inihahandang pangkaligtasan sa pagdiriwang ng Undas ang: to will implement an intensified vehicle roadworthiness inspection to insure na ang public utility vehicles (PUV) ay nasa wastong kondisyon para sa mahabang biyahe.
Idinagdag pa ni Galvante na magsasagawa ang LTO law enforcement unit ng paglilibot sa mga transport garage at terminals upang makatiyak na tanging mga roadworthy buses at jeepneys ang pahihintulutang makapagbiyahe.
Gayundin, sinabi pa ni Galvante na kanila ring isasailalim sa road safety seminar ang PUV drivers upang lalong mapalawak ang kanilang kabatiran sa road safety and responsible driving.
Samantala, sa panahon ng hasik pandayan (seminar) mamamahagi rin sila ng materials na may kinalaman sa traffic rules na karaniwang nilalabag ng mga pasaway na drayber.
“Ang mga PUV drivers at mga konduktor ay hihilingin din na sumailalim sa ramdom drug testing bago sila lumarga mula sa kani-kanilang terminal”, paalaala pa ni Galvante.
LISENSIYA ISU-SURRENDER NG DRIVER BAGO MAG-DRUG TEST
Samantala, binigyang diin ni LTO Assistant Edgar Galvante na ang mga sasailalim sa ramdom drug test ay kailangang i-surrender ng drayber ang kanyang lisensiya sa pagmamaneho.
“Kapag lumitaw sa resulta ng drug test na ito ay positibo sa ipinagbabawal na gamot, karaka-rakang kukumpiskahin ang kanyang driver’s license upang hindi na siya makapag-drive sa pagkakataong iyon. Dahil dito, kailangan muna siyang sumailalim sa confirmatory test,” pahayag ni Galvante.
Gayundin, sinabi ni Galvante na “kapag ang resulta ng confirmatory test ay negatibo, ibabalik sa drayber ang kanyang lisensya upang makapagmaneho.
Pero kung nag-positive naman sa nasabing drug test, mananatiling kompiskado ang kanyang lisensiya. Hindi papayagang magmaneho ang drayber hangga’t hindi napatutunayang wala nang bahid ng droga sa sistema ng kaanyuang katawan,” diin pa ni Galvante.
Kasabay nito, inihayag din nito na magpapakalat sila ng traffic enforcers para sa kanilang “Oplan Isnabero” laban sa mga pasaway na drayber at sa errant taxi drivers at iba pang public vehicles na mamimili ng pasahero.
BAWAL MAGMANEHO KUNG NAKAINOM NG ALAK
“Huwag na huwag iinom ng anumang inuming nakalalasing kung magmamaneho lalo na ngayong panahon ng Undas na maraming nagbibiyahe sa mga pangunahing lansangan.
Ito naman ang paalaala ni Atty. Clarence Guinto, director ng LTO-NCR matapos muling pasiglahin ang kampanya sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act (RA 10586) o pagbabawal sa pagmamaneho ng lasing.
Nilinaw ni Atty. Guinto na sa ilalim ng nabanggit na batas, ang motorista na may non-professional drivers license na mahuhuling may blood alcohol content (BAC) na mahigit sa 0.05 percent ay makukulong ng tatlong buwan at kakambal na multang Php20,000 at suspendido ng 12 buwan (one year) sa pagmamaneho at i-impound ang kanyang menamanehong sasakyan.
Sakali namang nasaktan o may namatay dulot ng pagmamaneho ng lasing na drayber ay magmumulta ito ng Php100,000 hanggang Php500,000 at mas maraming araw na kulong depende sa bigat ng kasalanan.
Ganito rin aniya ang parusa sa mga may professional driver’s license o nagmamaneho ng trucks, buses, motorcycle at mga pampasaherong sasakyan, paglilinaw ni Director Guinto.
PAGSASAGAWA NG ROAD TRIP INSPECTION
Bago lumarga sa malayuang pagbibiyahe sa panahon ng Undas o paggunita sa Araw ng mga Patay, ipinapayo ng mga expert mechanic na una, mas makabubuti kung pagkagastusan ang pagsasailalim sa inspection ng buong kondisyon ng sasakyan bago ito ilarga sa malayuan bilang bahagi na rin ng kahingian ng DEFENSIVE DRIVING, kartilya ng mga drayber sa safe driving (ligtas na pagmamaneho).
Ano-ano ba ang dapat isailalim sa basic inspection ng ating sasakyan bago tayo magbiyahe sa malalayong lalawigan sa darating ng Todos Los Santos (Undas)?
First and formost, ayon sa kasangguning expert mechanic, kailangang isailalim sa basic inspection ang mga sumusunod para sa kaligtasan ng pamilya sa panahon ng mahabang paglalakbay tulad ng:
- brakes (preno)
- pang-ilalim na components tulad ng:
- bolt joint
- tie rods
- drive shafts
- sway bar bushings at
- struts at shock absorbers
Gayundin, huwag kalilimutan na tiyakin na may sapat na fluids, malakas ang battery at iba pang component ng makina.
- Tiyakin din na ang mga gulong ay ayon pa sa kahingian ng specification na nakatala sa manual lalo na sa malayong pagbibiyahe.
Laging tatandaan na ang wastong pressure ng gulong ay isa sa mga pangunahing dapat na isaalang-alang para sa ligtas na paglalakbay.
Dagdag pa ng source mechanic, huwag ding kalilimutan ang pagdadala ng spare tires na may wastong air pressure.
Ito ay isa sa mga bagay na hindi dapat kalimutan sa panahon ng mahabang paglalakbay.
- Tiyakin din na may basic tools ang inyong truck booster, pang-repair ng gulong (tire wrench, hand pressure pump) para sa ‘di inaasahang pagkakataon.
- Kapag nakaramdam ng pagod sa mahabang biyahe, ihinto ang sasakyan sa isang ligtas na pook tulad ng gasoline stations at magpalipas ng pagod ng ilang minuto o kaya ay magpapalit sa kasamang marunong magmaneho.
- Kung may kasamang mga bata, tiyakin na maraming dalang mapaglilibangan ang mga ito para maiwasan ang pagkainip sa mahabang pagbiyahe at;
- Isa pang mahalagang dapat gawin ay ang pagdadala ng proper identification ng bawat pasahero upang may pagkakilanlan kung may maganap na pangyayaring ‘di inaasahan.
LAGING TATANDAAN: UMIWAS sa aksidente upang buhay ay bumuti.
HAPPY MOTORING!
Comments are closed.