UMAABOT sa halos 200 Pre-demolition Conference (PDC) ang matagumpay na naisagawa ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) nitong 2019 kung saan naging tagapamagitan ang ahensiya para masiguro ang maayos at makataong ebiksiyon at demolisyon sa mga Informal Settlers Families (ISFs) sa Metro Manila.
Napag-alamang simula nang pinamunuan ni PCUP Chairman at CEO Alvin Feliciano ang komisyon, isa sa naging mithiin ay ang mapababa ang bilang ng demolisyon lalo na kung walang ayudang matatanggap ang mga magiging apektadong pamilya.
Lumalabas sa datos ng PCUP, pinakamaraming naisagawang PDC ay sa Quezon City na mayroong 46 na sinundan naman ng Maynila na may 37 at Caloocan na may 29 kaso ng demolisyon. Ilan din sa mga lugar sa Metro Manila na binabaan ng PCUP upang magsagawa ng PDC ay ang Pasay at Pasig na may tig-siyam, Taguig na may anim, tig-tatlo sa Valenzuela at Mandaluyong, dalawa sa Muntinlupa gayundin sa Navotas at Marikina. Kabilang din dito ang San Juan, Malabon, Pateros, Makati, Parañaque at Las Piñas.
Habang nasa mahigit 6,000 pamilya mula sa demolisyon at ebiksiyon ang binigyang oryentasyon ng ahensiya kasabay ng paglalatag sa mga ito ng ‘social preparation’ at mga kasunduang legal ukol sa usaping kinakaharap nila.
Ang PDC ay ikinakasa ng PCUP upang magkaroon ng maayos at ligtas na proseso ng ebiksiyon at demolisyon sa mga bahay na nakatirik sa mga lupang pagmamay-ari ng gobyerno na tatamaan ng mga proyekto nito tulad ng ‘road widening’ at mga proyekto ng PNR.
Tinitiyak ng mga area coordinator ng PCUP partikular na ng Field Operations Division (FOD) para sa NCR na magkaroon ng maayos na pag-uusap sa pagitan ng mga kinatawan ng ahensiya at mga apektadong pamilya ng demolisyon bago ang pagsasagawa nito.
“Kaisa natin ang Philippine National Police na siyang nagpapatupad ng seguridad at kaayusan sa magaganap na demolisyon pati na rin ang National Housing Authority na siyang tumitiyak ng relocation area ng mga maaapektuhang residente,” pahayag ni Feliciano. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.