LIGTAS NA PABAHAY SA STUDES

SEN LITO LAPID.jpg

ISUSULONG ni Senador Lito Lapid ang pag-regulate sa student housing entities sa pagmamagitan ng pagtatatag ng Student Housing Registry na sisiguro sa kaligtasan at seguridad ng mga estudyante na kumukuha ng on-campus at off-campus housing.

Ayon kay Lapid, ang kakulangan sa disente at murang pabahay para sa mga estudyante ang isa sa mga problemang kinakaharap ng sektor ng edukasyon.

“Ngayon na libre na ang tuition sa ating SUCs, nararapat lamang na tuunan naman natin ng pansin ang kakulangan ng maayos na mga matitirahan para sa ating mga estudyante,” anang senador.

Sa Senate Bill No. 1036 na kanyang inihain, ipinanukala ni Lapid ang pagtatayo sa bawat lungsod at munisipalidad ng registry para sa lahat ng  student housing entities, kabilang ang dormitories, boarding houses, room-for-rent/bedspace businesses, apart-ments at iba pang pabahay na nagpapaupa sa mga estudyante na may  occupancy capa­city  na tatlo katao at pinatatakbo ng pamahalaan o private schools at universities.

Gayundin, ang nasabing registry ay dapat na naglalaman ng pangalan ng may-ari ng student housing entity,  building administrator, address ng establisimiyento, proof ng connection sa water, electric utilities at rental rates.

Nais din ng panukala na masiguro na masusunod ng student housing entities ang building rules and regulations sa bansa, kabilang ang pagkakaroon ng fire exits at firefighting instruments. Magsasagawa rin ng taunang inspeksiyon ang local building official o city/municipal engineer na silang mag-eendorso sa local chief executive at ipaaalam sa publiko ang availability nito.

“Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, bukod sa pagkakaroon ng database ng lahat ng mga dormitoryo o boarding house sa bawat munisipalidad, nais din nating tingnan ang kakayahan ng mga paupahan na ito na masiguro ang kapakanan at kaligtasan ng mga umuupang estudyante lalo na sa panahon ng sakuna,” ani Lapid .

Ang sinumang lalabag sa registration requirement o tumanggi sa ­ins­pection ay ire-revoke ang business permit at pagmumultahin na hindi lalagpas sa  P50,000. VICKY CERVALES

Comments are closed.