MALINIS na pagkain at inumin, iyan ang kailangang isaalang-alang natin sa tuwing dumarating ang panahon ng tag-ulan. Kayraming sakit ang maaari nating makuha sa ganitong panahon. Kaya naman, dobleng pag-iingat ang kailangan nating gawin.
At bukod din sa malinis na pagkain at inumin, kailangan ding healthy ang mga ito. Dahil diyan, narito ang ilan sa mga gabay upang maging malusog at ligtas ang mga pagkaing kahihiligan:
HUGASANG MABUTI ANG MGA PAGKAIN
Sa kahit na anong panahon naman, napakaimportanteng nahuhugasang mabuti ang mga pagkain. Kailangang malinis na malinis ito bago lutuin o kainin. Mahalaga ring malinis ang kamay ng magluluto at maging ang mga gagamitin nitong kasangkapan. Importante ring nalulutong mabuti ang pagkain nang hindi kaagad ito masira.
Mainam din sa ganitong panahon ang pagkain ng mga prutas at gulay.
Ang cabbage, cauliflower at beans ay kailangang hugasan na may kasamang asin bago lutuin. Sa pamamagitan ng asin ay mamamatay ang mga nananahang germs sa nasabing gulay.
IWASAN ANG PAG-IIMBAK NG MARAMING GULAY AT PRUTAS
Maramihan kung mag-grocery ang ilan sa atin. Kung paunti-unti o paisa-isa nga naman, pabalik-balik tayo sa palengke o grocery. Mas magastos din lalo na kung malayo ang pinagbibilhan mo.
May ilang pagkain na puwedeng iimbak o ilagay sa ref ng ilang araw. Pero mayroon din namang mga pagkaing dapat nating iwasang iimbak ng matagal sa ref dahil madali ring nasisira.
At ang mga pagkaing kailangang iwasan dahil hindi ito tumatagal sa ref ay ang mga prutas at gulay. May mga gulay na kahit na ilagay mo man sa ref, kinabukasan lang ay nalalanta na ito at hindi na magamit. Gayundin ang prutas, nasisira agad ang mga ito kahit pa sabihing nakatago naman ito sa malamig na lugar.
Mas magiging ligtas ang pamilya kung fresh ang ihahandang pagkain. Matatawag namang safest food ngayong tag-ulan ang oats at corns. Kaya mainam itong kahiligan.
IWASAN ANG MGA MAMANTIKANG PAGKAIN
Sa lamig ng panahon, nakatatamad ang magluto pero ang sarap namang kumain. At ang madalas pa namang hinahanap-hanap ng ating panlasa ay ang mga pagkaing niluto sa matika o mga pritong putahe. Isa rin ito sa madaling lutuin at hindi na gugugol pa ng matagal na oras. Tinatamad ka nga naman o nagmamadali, puwede kang magprito dahil napakadali nga naman nitong gawin. Pero sabihin mang madali lang magprito at masarap kumain ng mga ganitong luto ng pagkain, kailangan pa rin natin itong iwasan lalo na’t nakasasama ito sa kalusugan. Ang sobrang mamantikang pagkain at maalat ay nakapagdudulot ng iba’t ibang sakit.
Kapag malamig ang panahon, bumabagal ang ating digestion. Mas lalo rin itong babagal kapag mamantika ang pagkaing ating kinahihiligan. Ang sobrang asin din o alat ng pagkain ay nagiging dahilan naman ng water retention.
Kaya naman, iwasan ang mga pritong pagkain nang manatiling ligtas at healthy, umulan man o umaraw.
IWASAN ANG PAGKAIN NG RAW FOOD
Kapag tag-ulan, iwasan ang mga raw food dahil maaaring masira ang iyong tiyan. Mas maganda kung ang kahihiligang pagkain kapag ganitong panahon ay ang sopas at masasabaw na putahe. Kailangan ding lutong-luto ang pagkain nang hindi agad masira o makontamina.
Bukod sa mga raw food, iwasan din ang street food dahil hindi ka makatitiyak na ligtas itong kainin. Oo nga’t marami ang nahihilig sa ganitong pagkain. Mura nga lang naman at masarap. Pero hindi naman healthy ang mga ganitong pagkain kaya’t hindi rin dapat dalasan ang pagkunsumo nito.
UMINOM NG MARAMING TUBIG
Napakaimportante ng tubig sa katawan. Hindi man tayo nakararamdam ng uhaw kapag malamig ang panahon, hindi ibig sabihin noon ay kaliligtaan na ang pag-inom. Kailangang mapanatili nating hydrated ang katawan nang maiwasan ang pagod na pakiramdam.
Kailangang maging ligtas at healthy tayo ngayong malamig ang panahon para ma-enjoy natin ang buhay, maulan man ang paligid. (photos mula sa google) CS SALUD
Comments are closed.