NANAWAGAN si House Committee on Health Vice Chairperson at AnaKalusugan Party-list Rep. Ray T. Reyes sa Department of Health (DOH) at lahat ng local government units (LGUs) na palakasin ang kampanya ng mga ito sa pagsisigurong maging ligtas ang pagsalubong ng lahat sa papasok na taong 2024.
Pagbibigay-diin ng pro-health advocate lawmaker, partikular na kailangang bigyan ng pansin ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang kundi hindi man pagkakaroon ng ‘zero casualty’ ay mabawasan ng malaking bilang ng mga mabibiktima ng paputok.
“Nanawagan po tayo sa DOH at sa ating mga LGUs na lalo pang paigtingin ang paghahanda para masiguro na ligtas ang ating pagdiriwang ng bagong taon,” ang pahayag pa ni Reyes.
Paggigiit ni Reyes, kailangang mahigpit na maipatupad ng iba’t-ibang law enforcement units at local chief executives ang itinatakda ng Republic Act 7183 at Executive Order 28, s. 2017, na pawang patungkol sa regulation and control sa paggamit ng firecrackers at iba pang pyrotechnic devices.
“Napakahalaga po na i-monitor at sugpuin ang paggawa at pagbenta ng mga ilegal at ipinagbabawal na paputok,” hirit pa sa kongresista.
“Umaasa po tayo na sa pangunguna ng kapulisan at ng mga LGUs, masisiguro natin ang kaligtasan ng lahat, lalo na ng mga kabataan,” dugtong niya.
Kasabay nito, hinimok din ni Reyes ang buong sambayanang Pilipino na humanap o gumamit ng ibang kaparaanan para sa tradisyunal na maingay na pagsalubong sa bagong taon sa halip na paputok, lalo na ang mga ipinagbabawal na ibenta.
“Hangga’t maaari, iwasan na po sana natin ang paggamit ng paputok at gumamit na lamang ng alternatibong paraan ng paggawa ng ingay ngayong bagong taon,” paalala nito.
Ani Reyes, nakababahala ang ulat ng DOH na pagkakaroon ng kabuuang 75 fireworks-related injuries (FWRI) simula pa lamang kahapon ng umaga, Disyembre 27 o ilang araw bago ang New Year’s Eve celebration. ROMER R. BUTUYAN