MAHIRAP ang bumiyahe at magmaneho ngayong tag-ulan. Dahil madulas ang daan, maraming maaaring mangyari lalo na kapag hindi tayo nag-ingat. Nariyan ding kayhirap sumakay at ang sobrang traffic. Pagod ka na nga sa trabaho, pagod ka pa sa kahihintay ng masasakyan at dumaragdag pa sa pagod natin ang hindi mamatay-matay na traffic. Matinding pahirap. Walang katapusang pagod.
Sa hirap nga namang bumiyahe lalo na ngayong panay ang buhos ng ulan, marami ang nag-aasam na sana ay puwedeng sa bahay na lang magtrabaho. Kung pag-aaralan nga naman natin, sa traffic pa lang ay napapagod na ang isang empleyado. At kung pagod na ito bago pa lang makarating sa opisina, maaaring maapektuhan ang kanyang performance sa trabaho. Puwedeng hindi niya maibigay ang best niya. Gayunpaman, sa kabila ng ganitong sitwasyon ay marami pa ring kompanya ang hindi pa napagpapasyahan o naiisip na mag-work at home o mag-telecommute ang kanilang empleyado. Nasanay rin naman kasi ang marami sa pagtungo sa office ng kanilang empleyado sa araw-araw. Pero hindi rin naman nangangahulugang wala ka sa opisina ay wala kang matatapos o ginagawa. Kadalasan nga, mas marami pang natatapos ang isang empleyado kung flexible ang kanyang workplace.
At dahil malaking porsiyento ng mga empleyado ang nagtutungo araw-araw sa kanilang trabaho, narito ang ligtas-tips sa kalye ngayong tag-ulan:
SA MGA NAGMAMANEHO
Hindi madali ang magmaneho lalo na kung maulan at madulas ang paligid. Naitatala pa naman ang pagtaas ng bilang ng mga kaso sa kalye kapag tag-ulan.
Kung sa simpleng traffic nga lang at maayos na panahon ay mahirap na ang bumiyahe at magmaneho, paano pa nga kaya kapag tag-ulan.
Dahil nga naman sa basa ang kalsada ay nakararanas ang mga motorista ng hydroplaning na nangyayari kapag matulin ang takbo ng sasakyan at basa ang paligid. Pinaka-delikado rin ang unang 10 minuto ng mahinang pag-ulan. Kapag ang mahinang pag-ulan at ang oil residue sa kalye ay naghalo, dumudulas ang daan. At ang madulas na daan ay nagiging dahilan ng hydroplaning lalo na kung mabilis ang takbo ng sasakyan. Kaya napakahalaga ang pag-iingat.
Importanteng inspeksiyuning mabuti ang sasakyan at mga bahagi nito bago bumiyahe.
Nararapat ding maging mapagmatiyag tayo sa daan lalo na at may ilang mga driver na walang pakialam. Huwag ding kaliligtaang buksan o pailawin ang headlights lalo na kung zero o low visibility.
Higit sa lahat ay maging maingat sa pagmamaneho. Huwag magmadali. Maging aware rin sa paligid at maging listo. Iwasan din ang pagpupuyat kapag magmamaneho. At higit sa lahat, huwag makipaggitgitan, unahan o karera.
SA MGA NAGKO-COMMUTE
Hindi naman lahat ng tao ay mayroong sasakyan. Ang karamihan sa atin ay nagko-commute at nakikipagsapalaran sa kalye. Umulan man o umaraw, nakikipagbuno tayo makarating lang sa opisina, eskuwelahan o saan mang lugar natin gustong magtungo.
Kagaya ng pagmamaneho, mahirap din ang mag-commute lalo pa’t hindi mo kilala ang driver ng sasakyan mong dyip o bus. Hindi pa naman maiiwasan ang mga pasaway na driver.
Bago sumakay ng pampublikong sasakyan, tingnan muna ang mga kasamahan. Kung may kahina-hinala ang kilos, ay huwag nang sumakay. Marami ang mapagsamantala kaya’t mabuti na iyong nagdodoble ingat tayo.
Bukod sa dapat mag-ingat sa mga taong nasa paligid, mga kasabayan sa dyip man o bus, importante rin ang pag-iingat sa madulas na daan. Tingnang mabuti ang dinaraanan.
Marami sa atin na kahit na maulan at naglalakad, panay pa rin ang pindot ng mga daliri sa cellphone habang ang mga mata naman ay titig na titig sa screen. May mga panahon o tamang lugar sa paggamit ng cellphone o gadget. Para sa sarili mong kaligtasan, dapat ay alam mo iyon. Hindi tamang habang naglalakad ay abalang-abala ka sa pagsi-cellphone. Disgrasya lang ang dulot sa iyo niyan.
PARA NAMAN SA MGA NAGLALAKAD
Hindi rin natin maiiwasan ang paglalakad sa ulan. Kapag matindi ang buhos ng ulan, mahirap sumakay kaya’t ang iba ay naglalakad na lang lalo na kung hindi naman kalayuan ang pupuntahan. May ilan nga ring kahit pa malayo, nilalakad na lang din para lang makauwi. Nangyayari nga naman ito sa marami sa atin. Iyong tipong kahit na ginaw na ginaw na tayo at nananakit na ang paa sa kalalakad, patuloy pa ring naglalakad makauwi lang.
Sa mga ganitong pagkakataon, mabuti ang sumabay sa grupo na naglalakad. Pero kilatisin mo rin ang mga ito. Huwag ka ring masyadong didikit. Kumbaga, maglaan ka lang ng tamang distansiya.
Mahirap kasing maglakad ng mag-isa lalo na’t marami ang mapagsamantala sa panahon ngayon. Madalas nilang binibiktima ang mga naglalakad ng mag-isa. Kapag may dumikit din sa iyo habang naglalakad, dumistansiya kaagad o lumayo.
Maging listo at mapagmatiyag din sa dinaraanan, maging sa mga nakasasabay sa paglalakad. Ituon ang sarili at isip sa paglalakad at huwag iyong lulutang-lutang ang utak. Mag-focus kumbaga.
Ngayong tag-ulan, marami siyempreng puwedeng mangyari lalo na kung hindi tayo magiging maingat. (Photo credits: theguardian.com, americantristarinsurance.com at footfiles.com) CT SARIGUMBA
Comments are closed.