LIGTAS-TIPS SA MGA MAMIMILI SA DIVISORIA

Divisoria

(ni NENET L. VILLAFANIA)

ILANG araw na lamang ang nalalabi at sasapit na ang pinakaaabangan ng lahat—ang Pasko. Paniguradong daragsa na naman ang mga mamimili sa pinakasikat na bilihan sa Filipinas, ang Divisoria. Bukod nga naman sa napakarami nating puwedeng pagpiliang mabibili roon, mura lamang din at puwede ka pang makatawad.

Iyon nga lang, may malaking problema ang pamimili sa Divisoria. Sa dami ng taong nakikipagsiksikan, maraming mapagsamantala. Mara­ming magnanakaw at manloloko sa naturang lugar kaya’t dapat na mag-ingat ang bawat isa sa atin nang hindi malinlang.

Para makaiwas sa ganyang situwasyon, kailangan ang matin­ding pag-iingat. Heto ang ilang tipas para hindi manakawan sa inyong shopping spree:

MAGSUOT NG SIMPLE AT KOMPORTABLENG DAMIT

Unang-una sa ating listahan ay ang pagsusuot ng simple at komportab­leng damit. Mas maganda kung t-shirt at shorts o pantalon. Magsuot din kayo ng komportableng sapin sa paa tulad ng tsinelas, o rubber shoes para hindi mahirapan sa paglalakad.

IWASAN ANG PAGSUSUOT NG ALAHAS

No… no ang pagsusuot ng alahas kung ayaw mong umuwing luhaan. Kahit relong medyo mahal, huwag na rin ninyong isuot. Mainit ang mga iyan sa mata ng snatchers.

Huwag ding magdala ng mamahaling cellphone. Mahirap na baka maging mitsa pa iyan ng buhay mo. Nakapamili ka nga ng mura, mas malaki naman ang nawala sa ’yo.

ITAGONG MABUTI ANG DALA NINYONG PANG-SHOPPING

Hindi na epektibo ang body bag o belt bag na nakapuwesto sa inyong harapan sa panahon ngayon. Kapag namimili ka, nawawala ang isip mo sa kahit anong nakasabit sa iyong katawan. Mas mabuti kung sa inner pocket ng inyong pantalon ninyo ilagay ang pera, na kahit ikaw ay mahihirapang kunin ito.

Kahit ang cellphone, ‘yung maliit lamang ang dalhin para madaling ilagay sa bulsa.

MAGDALA NG TAMANG HALAGA

Hangga’t maaari rin ay iwasan ang pagdadala ng mala­king halaga gayundin ang malalaking wallet. Kung maraming bulsa ang inyong damit, pag­hiwa-hiwalayin ang inyong pera para sakali mang madukutan, may matitira pa kayong pamasahe pauwi.

HUWAG I-DISPLAY ANG INYONG CELLPHONE

Hindi na nga naman sanay ang marami sa atin na walang dalang cellphone. Gayunpaman, kung mamimili sa Divisoria o matataong lugar, ilagay ito sa silent mode o vibrate settings para hindi tawag-pansin.

Kung may tawag, magtungo sa isang ligtas na lugar at doon ito sagutin.

GUMAWA NG SHOPPING LIST

Mahalaga ring bago mamili ay gumawa muna ng shopping list para hindi kayo paikot-ikot.

Makatitipid din kayo sa oras at walang makalimutan sa mga dapat na bibilhin kung mayroong listahang nakahanda o dala-dala.

MAMILI NG MAS MAAGA

Maaga kayong mamili para hindi abutan ng rush hour.

Mahirap abutan ng dagsa ng tao dahil hindi kayo makapapami­ling mabuti.

HUWAG AGAD BIBILI SA UNANG MADARAANANG TINDAHAN

Itong tip na ito ay para sa mga lalaki lamang: huwag agad bibili sa unang madaraanang tindahan. Marami kayong mapagpipilian at mas mura pa ang presyo. Mas mahal ang presyo sa bukana. Magtiyaga kayong pumasok hanggang sa dulo na mas mababa ang presyo.

TUMAWAD O HUWAG KALILIMUTANG HUMINGI NG DISCOUNT

Hindi shopping mall ang Divisoria kaya puwede kayong tumawad. Kapag sinabing P100, tawaran n’yo ng P50. Kapag sinusuwerte ka, makukuha mo ang presyong gusto mo. Don’t forget the magic words: “Tawad naman d’yan!” Itanong n’yo rin ang “last price”.

Laging may last price, mga kapatid, kaya huwag na huwag ninyong kakagatin ang unang presyo.

BARYA ANG DALHING PERA

As much as possible, barya ang dalhin ninyong pera para mabilis ang transaksiyon at walang tiyansa ang tindero o tindera na salisihan ang pagsusukli. Maraming mandaraya sa Divisoria. Ilang beses na akong nakipag-away dahil sa sukli na nabawasan ng P100 hanggang P200 kapag P1,000 ang ibi­nibigay ko.

MAGDALA NG ECO-BAG

Magdala kayo ng malaking eco-bag at doon na ninyo ilagay lahat ng inyong pinamili. Tulong ninyo ito sa pagsasalba ng kalikasan upang mabawasan naman kahit paano ang ikakalat na plastic sa Metro Manila.

IWASAN ANG PAGPAPASAMA NG BATA

Huwag rin kayong magsasama ng bata lalo na kung hindi pa marunong umuwing mag-isa dahil mas malamang na mawala sila – dagdag pa sa problema.

Hindi naman ninyo gugustuhing nakapamili nga kayo ng mura, nawalan naman kayo ng anak.

Ngunit higit sa lahat, huwag ninyong kalilimutang maraming pulis na nakakalat sa Divisoria mula sa Station 11 ng Manila Police District. Sakaling sa kabila ng pag-iingat ninyo ay magkaroon pa rin ng problema, lumapit lamang sa kanila.

Sa lawak ng Divisoria at sa dami ng tao, hindi pa rin kaya ng mga pulis na bantayan ang lahat ng mga taong mamimili.

Kung may dala naman kayong sasakyan, mas makabubuting dalhin ang mga pinamili kung saan ito nakaparada at saka na lamang bumalik sa tiyangge upang masigurong libre ang inyong mga kamay.

Iwanan din ang isang kasama upang magbantay.

(photos mula sa tripsavvy.com, realiving.com.ph, skyscanner.com.ph)

Comments are closed.