LIGTAS-TIPS SA PAGBIYAHE NGAYONG TAG-ULAN

BIYAHE TIPS

NARIYAN ang kaliwa’t kanang problema sa kalye. Hindi mabilang ang nadidisgrasya o napapaha­mak habang bumibiyahe o nagmamaneho lalo na sa panahon ng tag-ulan. Isa sa dahilan nito ay ang pagiging madulas na daan. Ikalawa, ang mga walang pakialam na motoristang akala mo ay sila lang ang nagmamay-ari ng kalye. Ikatlo, kapabayaan. Ang pagiging pabaya na puwede naman sanang maiwasan pero hindi ginawa.

Haos araw-araw ay may naibabalitang naaksidente. Kapag nanood ka ng balita, nakinig sa radyo o nagbasa sa mga pahayagan, lagi’t laging may naaaksidente o napapahamak sa kalye—nabundol, nagkabanggaan at kung ano-ano pa. At ang walang pi­nipiling oras na kapahamakan sa kalye ay nakapagdudulot sa atin ng takot at pangamba. Ngunit sa kabila nito ay hindi naman tayo puwedeng magpadaig sa takot na nadarama natin dahil kailangan nating maghanapbuhay. Hindi puwedeng manatili lang tayo sa bahay dahil magugutom ang ating pamilya. Kailangang lumabas. Kailangang magtrabaho. Kailangang makipagsapalaran.

Napakaraming dahilan kung kaya’t napapahamak ang marami nating kababayan sa kalye o kalsada. Pero kung marami ang nagi­ging sanhi ng kapahamakan, marami rin naman ang mga paraan upang maiwasan ito. Narito ang mga sumusunod na tips para maging ligtas sa pagbiyahe lalo na ang mayroong mga sasakyan:

I-CHECK ANG GULONG AT LINISIN ANG WINDSHIELD

WINDSHIELDBago umalis ng bahay, unang-unang kailangang siguraduhing i-check ay ang gulong. Tiyaking hindi ito flat at wala ring butas. Kung minsan lalo na kung nagmamadali tayo, hindi natin napapansing malambot pala ang gulong ng ating sasakyan. Mahahalata o mararamdaman lang natin ito kapag bumibiyahe na tayo.

Malaking problema kapag na-flat ang gulong natin sa gitna ng kalye o kalsada. Masasayang ang oras mo sa paghihintay ng sasaklolo sa iyo. Paano pa kung nangyari ito sa lugar kung saan malayo sa vulcanizing shop o kaya naman sa gasolinahan? Papaano ka na lang?

Kaya huwag kaliligtaan ang pagtse-check ng gulong. Matapos na ma-check ang gulong, linisin naman ang windshield. Minsan kasi ay hindi natin napapansin na marumi pala ang windshield.

SIGURADUHING NASA KONDISYON ANG SASAKYAN BAGO IBIYAHE

Huwag ding kaliligtaang i-check ang kabuuan ng sasakyan. Bukod sa gulong at windshield, importante ring natitingnan mo o nasisigurong walang tulo o leak ang iyong sasakyan. Ilan sa mga kailangang siguraduhing hindi tumutulo ay ang bintana, pintuan, hood, trunks at maging ang taillight. Linisin din ang mga nabanggit nang masigurong walang duming naiwan doon.

Huwag ding kaliligtaan ang baterya. Tumatagal ang baterya ng mahigit na limang taon. Pero napadadali ang buhay nito lalo na sa mga lugar na madalas ang pag-ulan o sa maulang bansa. Ang basa at malamig na panahona ng siyang nagiging dahilan kung kaya’t mabilis na nasisira ang baterya. Nagiging sanhi rin ng terminal corrosion ang humidity. Kaya siguradu­hing maayos ang baterya bago umalis o bumiyahe nang hindi mamatayan sa kalye.

I-CHECK ANG TRUNK BAGO BUMIYAHE

May mga pagkakataong kapag nagmamadali tayo ay hindi na natin natse-check ang trunk ng sasakyan at maging ang laman nito. Kung minsan pa naman, kung ano-ano ang inilalagay natin sa trunk at sa kaabalahan, hindi natin ito naibababa. May mga pagkakataon ding hindi natin napapansin na nakabukas pala ang trunk ng sasakyan at mapapansin kapag umaarangkada na.

Kaya bago bumiyahe, isama sa pagtse-check ang trunk para masigurong maa­yos itong nakasara. Baka kasi mamaya ay may mga importante kayong gamit na nailagay roon at mabasa pa lalo na kung biglang bumuhos ang ulan.

HUWAG KALILIGTAAN ANG PAGDADALA NG EMERGENCY KIT

Napakahalaga rin ng pagdadala ng emergency kit saan ka man magpunta sa kahit na anong panahon at pagkakataon. Kapag sinabing emergency kit, kasama rito ang phone charger, raincoat at payong, bota, flashlight at baterya, gamot sa ubo at sipon, band aid, tubig at marami pang iba. Huwag na huwag kaliligtaan ang emergency kit lalong-lalo na ngayong tag-ulan.

MAGLAAN NG TAMANG ESPASYO SA MGA KASABAYANG SASAKYAN

BIYAHE TIPSMagdahan-dahan lang din sa pagmamaneho lalo na kung maulan para maiwasan ang hydroplaning.

Kailangan ding maglaan ng tamang espasyo sa mga kasabayang sasakyan. Tandaan na hindi nawawala ang malalaking sasakyan na maaari nating makasabayan sa kalye kaya’t dapat tayong mag-ingat. Lumayo sa malalaking sasakyan. Lumayo rin sa mga pasaway na driver.

Maraming paraan kung paano tayo malalayo sa disgrasya. Kaya’t isaisip at isapuso natin ang mga paraang iyan. Huwag tayong magpadalos-dalos, lalo na kung buhay ang nakasalalay. (photos mula sa google) CS SALUD

Comments are closed.