Likha ni Rico Aunzo, nagmulat sa likas na kasipagan ng Pinoy

Ni: Benedict Abaygar, Jr.

Itinuturing na isa sa tanyag na pintor sa kasalukuyang panahon ang dating mula sa kawalan, sinuong ang samu’t saring hamon ng buhay at dito nakilala si maestro Neptalie “Rico” Aunzo o mas kilala ngayon bilang si “Pedrong Masipag.”

Noon pa man, dinaanan na ni Rico ang hirap mula sa kanilang payak na pamilya kung kayat hindi nakapagtapos ng pag-aaral habang naghahanap ng kalinga ng isang ama.

Mula sa Dagupan, Pangasinan, namulat si Rico sa kahirapan mula sa hiwalay na pamilya.kung kayat ito ang nagsilbing hamon sa kanya upang lumaban sa mga pagsubok sa buhay.

Nag-iisang anak, nagsilbing houseboy, empleyado, tagapinta sa gusali hanggang sa naging mural artist sa isang hotel hanggang sa nahasa ang kanyang mga kamay sa pagguhit.

Aminadong mahina ang loob, mahiyain, lulong sa barkada at walang lakas ng loob subalit hindi nawalan ng pag-asang pasukin ang pinaka-ninanais gawin, ang pasukin ang mundo ng sining.

Sariwa pa sa kanyang mga ala-ala noong 2018 ang panahong siya’y naglalako pa lamang ng kanyang mga likhang sining habang ito’y naglalakad mula Quiapo hanggang Antipolo na kahit sa murang halaga lamang ay handa nitong ibigay ang kanyang mga likha maipantawid lamang ang nararanasang gutom.

Isa sa naging gawain ni Rico ay ang paglikha ng mga sketch na sa loob lamang ng ilang minuto ay mabilis na nakalilikha to ng kamangha-manghang larawan na kanyang ginagawa noon sa Quezon Memorial Circle at Marikina Banks kumita lamang ng bahagya.

Di naglaon, sinubukan ni Rico na pagyamanin ang sarili simula nang makapagbasa ito ng isang aklat hanggang sa rito na nagbago ang kanyang pananaw sa buhay at dito’y mas pinagyaman at pinagbuti ang kanyang talento.

Sa pagkakataong ito, nilikha ni Rico ang sarili at tinawag na “Pedrong Masipag” na may layuning mabago ang negatibong imahe ng mga Pinoy sa nakamulatan noong karakter na “Juan Tamad.”

Kahanga hanga ang mga naging obra ni Pedrong Masipag kung kayat madaling napansin ito sa mundo ng sining.

Dumating din ang pagkakataon sa buhay ni Pedrong Masipag nang mabigyan ito ng pagkakataon na maanyayahan sa isang napakalaking hotel na matatagpuan sa Jeju island, South Korea at dito niya ipinamalas ang kanyang angking talento sa pagpipinta ng malalaking obra na kung saan tila nabighani ang mga nakakitang Koreano nang matapos ang kinomisyong mga obra.

Nagsimula ito mula sa kanyang mga panaginip na hindi niya akalaing magkakatotoo kayat laking pasasalamat nito sa Panginoon at nabigyan siya ng malaking pagkakataon upang kanyang patunayan ang kanyang husay sa ibang bansa kung kayat ipinagpatuloy nito ang kanyang magandang nasimulan.

Madamdaming ibinahagi ni Rico na ang nasa likod ng kamangha-manghang mga obra na pawang nakapikit na tao sa kanyang naipinta ay ang kanyang pinakamamahal na panganay na lalaki na ipinanganak na bulag.

Halos madurog ang puso ni Rico nang malaman nito ang sinapit ng kanyang anak subalit sa halip na panghinaan ng loob ay nagsilbi pa itong malaking hamon sa kanyang buhay at lalong tumatag ang pananalig sa Diyos.

Ipinangalan ni Rico sa kanyang panganay bilang Ric Aziel o ang ibig sabihin ay “God is my strength” sa kabila ng tinamong likas na kapansanan sa mata ng kanyang anak, ito’y kanyang ginawang inspirasyon sa pagpipinta ng mga nakapikit na larawan sa kanyang obra at dito rin nagsimula ang kanyang suwerte sa pagpipinta.

Dumating din sa buhay ni Rico ang kanyang bunsong anak na si Ayiezha Heart o ang ibig sabihin ay “Alive and Well” na lubos din pinagpapasalamat ni Rico sa Poong May Likha dahilan sa pinagkalooban silang mag-asawa ng dalawang anak.

Karaniwan sa mga obra ni Rico ay nagpapamalas ng dangal at sipag ng gawaing Pinoy mula sa pangingisda, pagsusulat, tradisyunal na bayanihan at iba pa.

Sa kasalukuyan, abala si Rico sa kanyang solo art exhibits sa iba’t-ibang lugar gayundin sa art gallery na Pedrong Masipag x Ligaya na mabibisita sa Beverly Hills Subdivision, Taytay, Rizal habang patuloy pa rin itong nagkakaloob ng libreng art workshop o pagtuturo sa mga kabataan katuwang ang kanyang matalik na kaibigang si Daniel Dumaguit upang maibahagi at maisalin din sa iba pang nais matuto ng kanilang angking talento.