Sa bawat papaikot na mga iba’t ibang hugis sa papel, binubuhay ang kinalakhan sa Pateros at ang lugar sa Tokyo at Kansai, kung saan naging iskolar sa Japan ang alagad ng sining na si Elmer Nocheseda.
Maaaninag sa likhang obra ni Nocheseda ang kitid ng mga kalsada sa Pateros, maging ang siksikang bantog na Shibuya Crossing sa Tokyo. Mula sa taong 2002-2004, sa panahong hindi na maaawat ang paglobo ng populasyon, dito nagsimula ang pagkutkot at pagdutdot sa mixed media sa papel na gawa ni Nocheseda.
Ang eksibisyon ni Nocheseda sa Mono8 Gallery sa Greenhills ay ang kanyang kauna-unahang solong eksibisyon, pinamagatang “Serendipity Flukes: The Kutkotan Diaries” na ginanap noong ika-16 ng Hunyo hanggang ika-18 ng Hulyo 2024.
Mga larawang kuha ni Riza Zuniga
Magagandang imahe ang nalikha ngunit batbat ng hiwaga sa kadahilanang sa panibagong pagdagdag ng ibang obra, inabutan na sa paglikha ang tama ng Parkinson’s Disease kay Nocheseda. Isang karamdamang nagdudulot ng panginginig, paninigas ng mga kalamnan, mahinang balanse, mabagal na paggalaw, nahihirapang makipag-ugnayan gawa ng paggalaw at may pagbabago sa pagsasalita at pagsulat.
Kung kaya’t pag may atake, hindi makakalikha si Nocheseda ng bagong obra. Titigil ang kanyang mundo sa paglikha at ipapahinga ang katawan at pag-iisip.
Kung kaya’t sa mga titingin ng kanyang mga nilikha, maaaring sumagi sa isipan ang panahong itinigil niya ang pagkutkot at pagdutdot sa papel. Ito ba ay markado sa papel? Ang mga puting bahagi ba sa papel ang magsisilbing hudyat na ang alagad ng sining ay tumigil nang pansamantala gawa ng karamdaman at atake ng Parkinson’s Disease?
Animo’y repleksyon ang mga papaikot sa sumasagi sa isipan ng alagad ng sining, ang kaguluhan sa isip ay kawangis ng mga umiikot na bilog sa papel, may maliit at malaki, may perpekto at hindi mahusay ang pagkakabilog. May banayad ang hagod at may diin ang ilang bilog.
Nagpapakita ang ilang likha ng tiyak na hugis at direksyon ngunit ang ilang imahe ay hindi malinaw at walang kasiguraduhan. Sa panahong matindi ang hamon ng karamdaman, sadyang apektado ang obra ni Nocheseda.
Maganda ang naging bunga ng unang eksibisyon ni Nocheseda, nabili lahat ang kanyang obra sa Mono8 Gallery. Naging matagumpay ang pagiging curator ni J. Sedfrey Santiago, na naging kaklase ni Nocheseda sa kursong Economics mula sa Ateneo de Manila University.
Nabigyan ng pagkakataong maipakita ang pagbabago ng kulay sa mga likha ni Nocheseda mula na rin sa kahusayan ni Santiago sa pagsasalansan ng mga likha ni Nocheseda sa Mono8 Gallery.
Ang pagbabago ng panahon sa Japan: sa panahon ng taglamig, tagsibol, tag-araw at taglagas ang nagbigay ng gabay sa mga likha ni Nocheseda para mapukaw ang mga damdamin ng mga titingin ng kanyang obra. Nagpapakita rin ng iba’t ibang damdamin sa bawat panahon, madarama ang lungkot sa panahon ng taglamig, may pag-asa sa panahon ng tagsibol, may kakaibang sigla sa panahon ng tag-araw at may kakaibang pagpapalit at pagtingkad ng kulay sa panahon ng taglagas.
Mataas ang paggalang ni Nocheseda sa mga gawang sariling atin at pagpapalaganap ng sining at kultura sa bansa, mula sa paghahabi hanggang sa paggawa ng palaspas.
Nagbunga ito ng aklat na kanyang isinulat, ang “Palaspas: An Appreciation of Palm Leaf Art in the Philippines,” nilimbag ng Ateneo University Press noong 2009 at ang “Rara: Art and Tradition of Mat Weaving in the Philippines,” nilimbag ng Habi: The Philippine Textile Council noong 2016.
Relihiyoso si Nocheseda, lumaki sa pinakamaliit na 17 bayan sa Kalakhang Maynila, isang bayan na may deboto sa patron ng Santa Marta de Pateros.
Bagama’t hindi pa nasasagot ang katanungan, sa panahon ng atake, hindi kaya niya naiisip ang pagbisita ng mga anghel at patrong Santa Marta sa kanyang studio para gabayan siya sa paglikha at ipagpapatuloy ang kanyang sining? O maaaring kabaligtaran, isang pagtanggap sa karamdaman para hindi na ipagpatuloy ang pagkutkot at pagdutdot sa papel, lalo na kung matagal ang panginginig ng kamay.
May misteryo sa paglikha, wika ni Nocheseda, “kusang-loob na paghahayag na sumulpot mula sa kaguluhan ng nilikha.” Dito nga binansagan ni Nocheseda ng “kutkot” ang kanyang mga sariling likha.
Sa kanyang ikalawang solong eksibisyon, mababanaag sa likhang sining ang animo’y palaspas na nakatayo, makulay at puno ng sigla. Ito ay itatanghal ngayong Oktubre sa Galerie du Soleil sa Taguig City, kalapit-bayan ng Pateros.
RIZA ZUNIGA