(Lilikha ng trabaho) SEKTOR NG ABACA, KAWAYAN, MANGGA PALALAKASIN

PAGTUTUUNAN ng pansin ng Department of Agriculture (DA) ang paghikayat ng mga mamumuhunan upang mapalakas ang sektor ng abaca, kawayan, mangga , at seaweed na lilikha ng mga trabaho. Ito ang ipinahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa kanyang mensahe sa isang forum noong Oktubre 15 sa Rome, Italy.

Ayon kay Tiu Laurel, ang naturang mga sektor ay mahalaga sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa, at sa paglikha ng mga trabaho.

Ito, aniya, ang dahilan kung kaya nais ng pamahalaan na patatagin ang pakikipag-ugnayan at pakikipagkolaborasyon ng Pilipinas sa Food and Agriculture Organization (FAO). Ayon kay Tiu Laurel, nagpakita ng interes ang mga potensiyal na partners ng Pilipinas na maaaring makatuwang nito sa kanilang mga isusulong na hakbang. Ito ay matapos makipagpulong si Tiu Laurel kay Dr. Qu Dongyu, Director-General ng FAO, upang mapalakas ang posibleng kolaborasyon nila dito, partikular na sa agricultural development at food security.

“The collaboration aims to align these initiatives with global efforts to transform agri-food systems, ayon sa DA. “It is a pleasure to reconnect with you, Director-General Qu, following our initial discussions in February. I’m grateful for the opportunity to participate in the 2024 World Food Forum and present the Philippines’ Hand-in-Hand Investment proposal,” sabi ni Tiu Laurel.

Sinabi ni Tiu Laurel na nagkaroon na sila ng inisyal na pag-uusap ng FAO chief tungkol dito noong 37th Asia-Pacific Regional Conference sa Sri Lanka.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel ang naturang strategic investment plan na ang target ay ang nasabing apat na key commodity sectors na abaca, bamboo, mango, at seaweed.

“These sectors are crucial in boosting local economies, creating jobs, and supporting sustainable development,” aniya.
MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA