INAASAHANG lilikha ng milyon-milyong trabaho ang inaprubahang package 2 ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law o ang Corporate Income Tax and Incentive Reform (CITIRA).
Ang CITIRA law ay naglalayong ibaba ang kasalukuyang 30% corporate income tax (CIT) rate sa 20%. Ang CIT sa bansa ay itinuturing na isa sa pinakamataas na rates sa Asia.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, aabot sa 1.566 million na trabaho ang malilikha sa ilalim ng CITIRA na lalong magpapalakas sa ekonomiya ng bansa.
Bukod dito, isang milyong small-medium enterprises (SMEs) at 3,100 korporasyon ang makikinabang sa pagbaba ng corporate income tax at sa tax holidays.
Kapag naging batas, sa unang taon ng implementasyon ay 1.1% ang maidaragdag sa GDP growth ng bansa at tataas pa ito sa 3.6% kada taon hanggang 2030.
Lolobo naman sa 87% ang tax savings o maaaring matipid sa ibabayad na buwis ng mga korporasyon na maaaring mauwi sa mas marami pang business expansion.
Naniniwala naman si House Majority Leader Martin Romualdez na mangyayari na ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maraming mahihirap ang aangat ang buhay sa susunod na tatlong taon dahil sa mga top priority tax measure na ipinapasa sa Kamara. CONDE BATAC
Comments are closed.