(Lilikhain ng pagbuhay sa local salt industry) DAGDAG-KITA, TRABAHO

AABOT sa 5,000 trabaho ang inaasahang malilikha sa layuning muling buhayin at palakasin ang local salt industry.

Target din nitong mapataas ang produksiyon at kita ng mga salt farmer at producer.

Kaya naman todo ang paghimok ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee sa kanyang mga kapwa mambabatas na agarang maipasa at sa lalong madaling panahon ay ganap na maging batas ang House Bill No. 8278 o ang ‘Philippine Salt Industry Development Act’, kung saan isa siya sa principal authors nito at nakalusot na sa second reading ng Kamara ang naturang panukala.

“Panahon na para tuldukan ang matagal nang kalbaryo ng ating mga salt farmers at salt producers,” sabi ni Lee.
“Hindi tama na nag-iimport pa tayo ng 93% ng pangangailangan natin sa asin at napag-iiwanan ang ating salt industry, bilang arkipelagong bansa na isa sa may pinakamahabang shoreline sa mundo,” pagbibigay-diin pa niya.

Ayon sa kongresista mula sa Bicol region, kapag tuluyang naipatupad bilang isang batas, bubuo ng isang Philippine Salt Industry Development Roadmap, na siyang magiging batayan para sa pagpapalakas ng local salt industry sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya at masusing research and training programs.

Sinabi pa ni Lee na mayroon ding insentibong ibibigay ang gobyerno sa mga nagnanais na mamuhunan o pumasok sa salt production, kabilang ang tulong pinansiyal, production at marketing aid sa pagnanais na maabot ng bansa ang self-sufficiency sa pangangailangan ng suplay ng asin.

“Sa pagbangon ng industriya ng asin, tataas ang kalidad ng buhay ng marami nating kababayan na mapagbubuksan ng oportunidad na magkatrabaho at madagdagan ang kita, na aambag naman sa paglago ng ekonomiya kung saan Winner Tayo Lahat,” giit pa ng AGRI party-list solon.

Samantala, sa pagsalang sa plenaryo ng HB 8278 kamakailan, isa sa isinulong ni Lee na pag-amyenda sa probisyon nito ay ang paglikha ng Salt Industry Development and Competitiveness Enhancement Fund o SIDCEF para magamit ng itatalagang implementing agency sa pagsusulong nito ng salt industry development programs.

-ROMER R. BUTUYAN