INIHAYAG ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang synergy o pinagsamang aksiyon ng mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor upang tugunan ang problema sa unemployment sa bansa ay lilikha ng hindi bababa sa 1.7 milyong trabaho taon-taon.
Muling nanawagan si Villanueva para sa kanyang Senate Bill No. 129 o ang “Trabaho Para sa Lahat ng Pilipino Act,” na nagtatatag ng National Employment Action Plan (NEAP) upang itakda ang direksiyon para sa paglikha ng trabaho.
“Nasa harapan natin ang solusyon, at magsisimula ito sa iisang daan ng gobyerno at pribadong sektor sa pagtugon sa unemployment at pagbubuo ng mga plano para makapagbigay ng disenteng pagkukunan ng kabuhayan para sa ating mga mamamayan,” aniya sa kanyang pambungad na pananalita sa pagdinig nitong Martes ng Senate subcommittee on economic affairs sa panukala.
“Umaasa kami na sa pamamagitan ng pagtatatag ng framework para sa ating National Employment Action Plan, at sa tulong ng ating mga katrabaho sa gobyerno at mga katuwang natin sa pribadong sektor, makakalikha tayo ng hindi bababa sa 1.7 milyong trabaho taon-taon,” dagdag niya.
Sinabi ng dating Technical Education and Skills Development Authority chief na ang pagtatatag ng NEAP ay makatutulong sa “pag-navigate sa pabago-bagong labor market para sa kapakanan ng manggagawang Pilipino.”
Ayon kay Villanueva, ang paunang resulta ng November 2022 Labor Force Survey na nagpapakita ng unemployment rate sa 2.18 milyon, at tuluyang pagbaba nito mula noong Agosto 2022, ay isang positibong development.
Gayunpaman, sinabi niya na ang pagtaas sa bilang ng mga underemployed sa 7.16 milyon, mula sa 6.67 milyon noong Oktubre, ay nananatiling nakababahala.
“Ang layunin natin ay hindi lang pansamantalang trabaho, kundi dekalidad at disenteng trabaho na makatutulong sa gastusin ng kanilang mga pamilya,” ani Villanueva.
Sinabi ng Majority Leader na ang kanyang panukalang batas ay naglalayong tugunan ang mga pangunahing isyu na may kaugnayan sa trabaho tulad ng paglikha ng isang enabling environment na susuporta sa paglago ng micro, small, and medium enterprises, pati na rin ang mga industriyang may mataas na potensiyal para sa paglikha ng trabaho, tuloy-tuloy na alignment of skills ng mga manggagawa at mga pangangailangan ng industriya, at pag-improve ng mga programa tulad ng employment facilitation services.
Layunin din ng panukalang batas na maglagay ng mga targeted measure upang matiyak ang employability at competitiveness ng mga manggagawang Pilipino, at mas mapabuti ang pakikipagtulungan sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor.
“Kailangan din nating maging mas handa para sa future of work, kabilang ang pagharap sa epekto ng Fourth Industrial Revolution maging ang Fifth Industrial Revolution, pati na rin ang lumalagong digital economy at gig economy, kasama ang maraming iba pang isyu na kinakaharap ng ating labor force,” sabi pa niya.
Si Villanueva ay nagsusulong ng dekalidad at disenteng trabaho para sa mga Pilipino mula nang pumasok siya sa serbisyo publiko bilang kinatawan ng party-list hanggang sa mahahal siya bilang senador.
“Trabaho ang trabaho natin sa Senado. This representation says this often to remind ourselves of why we are here and for whom we work for. Mula noon, hanggang ngayon, isinusulong natin sa Senado ang pagpasa ng mga panukalang sisigurado sa kapakanan ng ating mga kababayang Pilipino,” aniya.
VICKY CERVALES