SA KABILA ng pandemya ay nananatiling abala si Filipina karateka Jamie Lim sa pagsasanay bilang paghahanda sa kanyang kampanya sa 2021, kabilang ang isang Olympic qualification tournament.
Si Lim ay isa sa mga bayani ng Filipinas sa Southeast Asian Games noong nakaraang taon kung saan nadominahan niya ang women’s +61kg kumite upang kunin ang gold na inialay niya sa kanyang ama na si basketball legend Samboy Lim, na bedridden magmula noong 2014.
Si Lim at ang iba pang Filipino karatekas ay nakatakda sanang sumabak sa world Olympic qualifying tournament noong Mayo, na ipinagpaliban sa Hunyo 2021 makaraang iurong ang Tokyo Summer Games.
“Noong nakuha na ‘yung news na ‘yung Olympics and ‘yung qualifiers will be moved to next year, ‘yung Karate Pilipinas coaches, gumawa po sila ng training program for us,” paliwanag ni Lim sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum webcast edition kahapon.
“And weekly, mayroon din kaming Zoom trainings with our coaches and ‘yung buong team. I think we’re doing well in preparing. Lahat po kami, nakaka-adapt sa situation,” dagdag pa niya.
Ayon kay Karate Pilipinas president Richard Lim, sakop sila ng Joint Administrative Order (JAO) na nilagdaan kamakailan na nagbibigay-daan sa pagpapatuloy ng training sessions ng professional basketball at football teams.
Gayunman ay wala pa aniyang available na practice venue dahil ang ilan sa pasilidad ng Philippine Sports Commission (PSC) ay ginagamit na quarantine facilities ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Tiniyak ni Lim na nananatili siyang nakatutok sa kanyang training sa kabila ng kawalan ng oportunidad na mag-spar sa kanyang teammates.
“I’m just very focused on what’s to come. Right now, ‘yung biggest focus siyempre is ‘yung Olympic qualifiers,” ani Lim. “It’s the biggest competition I’ll be joining.”
“So I’m doing everything I can, like right now at home, I’m doing whatever I can do. I’m gonna make sure na I’m in the best shape possible by that time. I won’t use this as an excuse to rest or parang timeout. I’m gonna use it to my advantage,” dagdag pa niya.
Comments are closed.