NASA limang 3rd class cadet ng Philippine Army ang posibleng maharap sa kasong criminal kaugnay sa pagkasawi ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio sa loob ng kanilang barracks sa Fort Gregorio Del Pilar sa Baguio City.
Ayon kay Baguio City Police Office chief P/Col Allen Rae Co, bukod sa naunang tatlong kadete may dalawa pang upper clasmen ni Dormitorio ang tinukoy na suspek sa naganap na hazing matapos na makuhanan ng salaysay ang ilang testigo.
Hindi muna pinangalanan ang dalawang panibagong suspek hanggat hindi natatapos ang testimonya ng may 14 na witnesses.
Kaugnay nito, inihayag ni Co na pinag-aaralan na rin ang paghahain ng kasong criminal laban kay Capt Apostol, PMA Hospital attending physician na nag-diagnose kay Dormitorio na dumaranas lamang ito ng urinary track infenction.
Nabatid na sa paggulong ng imbestigasyon ay sinasabing kinoryente ang ari ng nasawing kadete na nakitang wala ng malay matapos na pabalikin ng kanilang doktor sa kanilang kuwarto.
Inilitaw na rin ng PNP ang isang “taser flashlight” na pinaniniwalaang ginamit para pahirapan ang biktima, nabatid na isinuko ito ng isa sa dalawang itinuturing na bagong suspek noong gabing binawian ng buhay si Dormitorio.
Hinihinalang ginamit ang taser flashlight na naglalabas ng mataas na boltahe para koryentihin ang maselang bahagi ni Dormitorio.
Kaugnay nito, nagtalaga na rin ang bagong AFP chief LtGen Noel Clement ng Officer in Charge sa PMA Station Hospital kapalit ng sinibak na si Col Cesar Candelaria.
Nabatid na may tatlo pang kaklase si Dormitorio na naka-confine ngayon sa V. Luna Medical Center at St. Lukes Hospital sanhi ng wasak na pancreas.
Kabilang sa mga kinasuhan na may direktang partisipasyon sa hazing ay sina 3rd class Shalimar Imperial, 3rd class Felix Lumbag, at 1st class Axl Rey Sanupao. VERLIN RUIZ
Comments are closed.