SA IKA-5 sunod na linggo ay may rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes bagaman hindi ito kasing laki ng mga naunang linggo.
Sa magkahiwalay na abiso, inanunsiyo ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. ang P0.45 tapyas sa presyo ng kada litro ng gasolina at diesel, at P0.85 sa kerosene.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng rolbak sa alas-12:01 ng umaga sa kaparehong araw.
Noong nakaraang Martes, Set. 27, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P1.65, diesel ng P1.25, at kerosene ng P1.35.
Ayon sa Department of Energy (DOE), hanggang Setyembre 27, ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina at diesel ay nasa P14.85 at P29.40 65 kada litro, ayon sa pagkakasunod.
Sa datos ng DOE, hanggang Set. 29, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay naglalaro sa P61.45 hanggang P71.45 sa Quezon City, habang ang diesel ay mula P65.90 hanggang P74.84 sa Manila.