HINIHILING sa pamahalaan ng Philippine air carriers na nago-operate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na alisin ang limitasyon ng arriving Filipino galing abroad, at payagan ang mga incoming traveller papasok sa bansa upang makatulong sa pag-angat ng ekonomiya.
Sa kasalukuyan ay 2,000 ang bilang o limit capacity ng mga pasahero na pinapayagang makapasok sa mga paliparan sa bawat araw alinsunod sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ito ang itinuturing na pangunahing dahilan sa pagkalugi ng local airline industry sa bansa at sa pagkakatigil sa trabaho ng mga empleyado nito bunsod sa pagkakatengga ng kanilang mga eroplano sa airport.
Kaugnay nito ay humihingi ng konsiderasyon ang local airline officials na alisin na ang limitasyon, o payagan ang mga turista na makapasok sa bansa dahil mayroon namang sapat na protective measures katulad ng testing at quarantine protocols.
Batay sa record ng Manila International Airport Authority (MIAA), bago ang pandemic, ang Ninoy Aquino International Airport terminals ay nakaka-accommodate ng mahigit sa 34,000 incoming passengers sa kada araw mula sa 40 international and local airlines, ngunit sa kasalukuyan at 2,000 incoming passengers na lamang ang limit na makalapag sa NAIA terminals na lulan ng 36 airlines.
Hiling ng airline companies na payagan ang pagpasok ng mga turista sa bansa dahil hindi lamang sa kapakanan ng local at international air carriers ang nakasalalay rito kundi maging ang naghihikahos na mga Filipino. FROI MORALLOS
Comments are closed.