PARAÑAQUE- UPANG mabantayan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang incoming at out going flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), tanging ang Terminal 1 ang mananatiling bukas mula alas-12:01 ng umaga sa Marso 28.
Ito ay may kaugnayan sa Enhanced Community Quarantine na ipinatutupad ng pamahalaan dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kaugnay nito agad na inabisuhan ng MIAA ang mga incoming flight ng Gulf Air, Korean Airlines, Asiana Airlines, China Airlines, Hong Kong Air, Eva Air, Japan Airlines, Jeju Air, All Nippon Airways, Cathay Pacific, Qatar Airways, Singapore Airlines at Royal Brunei, na sa nasabing terminal lumapag at mag-take off.
Ayon sa report, ititigil ng Oman airline ang kanilang flight habang ang Singapore Airlines at Royal Brunei ay mag-susupinde ng kanilang Manila-Singapore at Manila-Brunei flight magmula sa Marso 29.
Ang hakbang na ito, ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal ay resulta ng konsultasyon sa pagitan ng Airline Operators Council (AOC), MIAA, at DOTr Secretary Arthur Tugade para mabawasan ang exposure ng airport workers.
Sa kasalukuyan, kanselado ang local at international flights ng Cebu Pacific, Philippine Airlines, Air Asia, Delta Airlines, United Airlines, Qantas Airways, Turkish Airlines, Emirates Airlines, KLM, Air China, Air New Guinea, China Eastern, China Southern, Ethiopian Airlines, Jet Star Asia, Kuwait Airlines, Malaysian Airlines, Saudia Airlines, Royal Brunei Airlines, Thai Airways, Tiger Airways, at Xiamen Airlines.
Matatandaan na ipinasara ng MIAA ang Terminal 4, Terminal 2, at Terminal 3, matapos ipatigil ang domestic flight ng mga ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID. FROI MORALLOS
Comments are closed.