LIMITLESS NAGHARI SA PBA 3X3 LEG 5

SA unang pagkakataon ay nangibabaw ang Limitless Appmasters sa PBA 3×3 Lakas ng Tatlo makaraang maungusan ang TNT Tropang Giga sa mahigpitang finals, 14-13, upang tanghaling kampeon sa Leg 5 ng torneo nitong Sabado.

Nanalasa sina Jorey Napoles at Brandon Ganuelas-Rosser sa huling sandali ng championship match upang malusutan ang clutches ngTropang Giga at makopo ang kanilang kauna-unahang korona sa three-a-side tournament na idinaos sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Tumapos si Rosser na may 5 points, nag-ambag sina Napoles at Reymar Caduyac ng tig-4, at may isang basket si Marvin Hayes sa pagselyo sa panalo na nagkakahalaga ng P100,000.

“All the credit goes to the players. They worked hard. All I did was give them the game plan,” wika ni winning coach Willy Wilson, na sinamahan ni team manager Paolo Bugia sa winner’s podium.

Ang Limitless Appmasters, ang 3×3 team ng Phoenix franchise, ay naging ika-5 koponan na nagwagi sa torneo matapos ng TNT, Meralco, Sista Super Sealers, at Purefoods.

Naiuwi ng TNT ang runner-up purse na P50,000 at nabigo sa kanilang kampanya na maging unang koponan na nanalo ng dalawang leg titles sa halfcourt tournament.

Sa labanan para sa ikatlong puwesto na nagkakahalagang P30,000, pinataob ng Terrafirma ang kulang sa taong Meralco unit, 21-10. Naglaro ang Bolts na sina Joseph Sedurifa at Alfred Batino lamang ang players kasunod ng injuries nina Tonino Gonzaga at Dexter Maiquez.

Lilipat ang aksiyon sa Smart Araneta Coliseum sa Dec. 20 at 21 para sa final leg ng meet, bago ang grand finale sa Dec. 29 sa Big Dome.

Iskor:

Third place

Terrafirma (21) – Tumalip 9, Reverente 8, Bulawan 4, Salem 0.

Meralco (10) – Sedurifa 6, Batino 4, Maiquez 0.

Finals

Limitless Appmasters (14) – Rosser 5, Napoles 4, Caduyac 4, Hayes 1.

TNT (13) – Vosotros 8, Flores 2, Javier 2, De Leon 1.