Sa panahon ng internet, cellphone, at iba pang mga gadget, isa sa mga pangunahing reklamo sa mga kabataan ay ang kawalan ng kakayahang magsulat ng “tama”. Sino nga ba sa atin ang hindi nakaranas na makatanggap ng isang text message na halos hindi na natin maunawaan dahil sa “shortcut”?
“Ma, d2 n p q sa lbas. Pbkas ng pin2, pls.” Isa ka rin ba sa mga nakatanggap ng mga mensaheng kung tawaging ay “jejemon”?
Iyon bang kakaibang mga karaker ang gamit sa pagte-text. Minsan pa nga, kahit hindi naman kailangan ang mga letra ay pinilit pa ring gamitin, kasi ayon sa kanila ay “nakatutuwang” magpadala ng mensahe na ganito ang gamit.
“H3llow pfoh. Khumhusta pfoh kau? !k!nhaga2lak khung mqla2 kau.”
Para sa marami, isa itong senyales na nawawalan na ng kakayahan ang mga makabagong kabataan ng pagpapahalaga sa wika, idagdag pa natin ang kalimitang sinasabi ng maraming Pilipino na hindi naman sila magaling talagang mag-Filipino, dahil hindi nila kayang magsalita ng isang pangungusap na hindi gagamit ng ilang salitang Ingles.
Dahil na nga rin sa sitwasyong ito ng paggamit ng wika, lubhang nakagugulat nang ilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino, noong ika-30 ng Abril 2022 ang mga nagwagi sa kanilang patimpalak ng pagsulat ng mga katutubong anyo ng panitikan. Sa patimpalak na ito, tinutukan ng KWF ang tatlong anyo ng tulang katutubo na bagamat maikli ay may malalim na kahulugan. Ayon kay Dr. Arthur Casanova, PhD (Tagapangulo ng KWF) kapansin-pansin na napakarami sa mga lumahok sa patimpalak ay mga kabataan.
Una sa tatlong anyo ay ang “diyona”. Sa anyong ito, gumagamit ang makata ng pitong pantig sa bawat isang taludtod at ang bawat saknong ay may tatlong taludtod. Kalimitan itong may tema ukol sa pag-ibig dahil orihinal itong ginagamit na awit sa kasal.
Sa makabagong panahon, hindi na lamang romantikong pag-ibig ang tinatalakay ng tulang ito, sa halip ay ang pag-ibig sa bayan at iba pang mga adhika. Ang premyo para sa anyong ito ay ipinagkaloob kay Benjo Batikin Lontoc para sa kaniyang obrang “Baybayin”, na tumatalakay sa nalimutan nang paraan ng pagsusulat ng mga sinaunang Tagalog.
Nakamit naman ni Vernard Dechosa ang ikalawang gantimpalak para sa kaniyang obra na “Pagsasaka” at kay Charlyn Buates ang ikatlo para sa kaniyang obrang “Babaylan sa Bagong Milenyo.” Maliban sa diyona, ipinakita rin ng mga kabataan ang kanilang kakayahang magsulat ng “tanaga”. Isa rin itong anyo ng tula na may tigpipitong pantig ang bawat taludtod. Ngunit, di tulad ng diyona, ang tanaga ay may apat na taludtod sa bawat saknong. Mayroon ring isang tugma ang tanaga; ibig sabihin lahat ng huling salita ng tanaga ay magkakatugma.
Para sa premyong ito, iniuwi ni German Villanueva Gervacio ang karangalan para sa kanilang obrang “Ang Manlililok ng Sarimanok ng Tugaya”. Aniya, ito ay iniaalay niya sa mga katutubo at sa kanilang mga kalinangan na unti-unti nang nalilimutan ng makabagong salinlahi. Natanggap naman ni Feridand Eusebio ang ikalawang parangal sa kaniyang obrang “Kubing” at ni Christine Marie Lim Magpile ang ikatlong parangal para sa kaniyang tulang “Gong”.
Pangatlo sa mga katutubong anyo ay ang dalít, na isang tulang may 8 pantig sa bawat taludtod at ang bawat saknong ay binubup ng apat na taludtod. Isa ito sa mga kilalang anyo, lalo na’t isa ito sa mga naging anyo ng tula noong dekada 70, halimbawa “Ang Dalit ng Manggagawa”. Nakamit ni Analie Palacio ang karangalan para sa kaniyang obrang “Sa Paghahanap ng Kayamanan”.
Napagwagian naman ni Roger Endaya ang pangalawang parangal para sa kaniyang obrang “Ang Huling Mambabatok” at ni Mark Pugnit Bonabon ang ikatlo para sa kaniyang obrang “Bato”. Ani Dr. Casanova, kapansin-pansin na puro kabataan ang nagwagi ng mga karangalan ngayon taon. Patunay lamang ito na maliban pa sa may kakayahan ang makabagong henerasyon na gumamit ng maayos ng wika ay mulat din ang mga ito sa mga isyu sa lipunan.
Sa taong ito, isa sa mga pangunahing pinagtuunan ng pansin ng KWF at ng patimpalak ay ang kalalagayan ng mga katutubong Pilipino. Dagdag pa ni Casanova, “Bagamat ang mga bata sa ngayon ay mahilig sa gadget, ang mga gadget na ito rin ang kanilang nagiging instrumento sa kanilang pagkatuto sa wika.”
Binigyang pansin rin niya ang mga talyer at pandayang pampanitikan na isinagawa sa panahon ng pandemya na nagbigay daan sa ilan sa mga nagwagi upang maisulat ang kanilang obra, Sa hinaharap, plano ng KWF na mas marami pang katutubong anyo ng tula ang mapalaganap sa pamamagitan ng kanilang mga patumapalak. Ilang sa kanilang mga plano ay ang pagsasama ng “sinday” ng mga Waray at “tigsik” ng mga Bikolano.
Sa huli, iniimbitahan ni Dr. Casanova ang lahat na makiisa sa mga patimpalak na kanilang isasagawa sa hinaharap. “Isa itong napakalaking habkang upang patuloy nating malinang ang ating panitikan.” Pagtatapos pa niya, ang mga kabataan sa ngayon ang siyang magmamana ng yamang ito. “Kung hindi natin gigisingin ang kanilang diwa sa pagpapahalaga sa iba’t ibang anyo ng panitikan, ay mamamatay ang ating mayamang kultura.” JAYZL VILLAFANIA NEBRE