LINA’S LECHON: PUSO ANG SANGKAP

LINAS_S LECHON

(Nina: MACE PRAXIDES, RONIE ALTAMIA AT EDWIN CABRERA)

TUMATAGAL ang isang negosyo kapag may pagmamahal ka sa iyong ginagawa. Ito ang tanging sangkap ng litsunan nina Wulfido Bascon at pamilya sa mahigit apat na dekadang pamamahala sa kanilang Lina’s Litson sa Talisay, Cebu.

Dahil na rin sa pagmamahal ni Mang Wulfido sa kaniyang asawa na si Lina kaya rito niya inihango ang pangalan ng kanilang litsunan, isa ito sa na­ging bunga ng kanilang pagmamahalan – na ngayon ay kilala na sa tawag na Lina’s Litson na nagsimula pa noong 1976.

Katulad ng ibang negosyo, nagmula sila sa pangungupahan ng maliit na puwesto kung saan unang natikman ang sarap ng Lina’s Lechon.  Pinagsabay ni Mang Wulfido ang pagpapatakbo ng kanilang negosyo at ang pagiging empleyado sa isang pribadong kompanya bilang isang technician. Kinalaunan ay napagpasiyahan niyang ilaan ang kanyang oras sa negosyo para na rin mas makasama niya ang kanyang pamilya. Naging hands-on siya rito katuwang ang buong pamilya at dahil dito, unti-unti nilang napalago ang kanilang negosyo.

Taong 1990 nang makabili ang pamilya ng sariling lupa mula sa naipon nila magmula nang itayo ang Lina’s Lechon. Dito nila ipinagpatuloy ang masarap na pagluluto ng litson at lalo pang napagtibay ang samahan ng pamilya.

Isa rin sa mga ibi­nibida ng Lina’s Lechon ay ang kanilang original na timpla na wala umanong katulad dahil sila mismo ang gumagawa nito. Sa katunayan, napatunayan ito ng bumisita ang PILIPINO Mirror sa nasabing listunan. Tunay nga namang hindi na nito kailangan pa ng sawsawan dahil kahit wala nito ay tunay na malasa at masarap ang kanilang litson.

Ayon pa kay Mang Wulfido, karamihan sa kanilang mga regular na customer ay Chinese tourists na buong litsong baboy mismo ang binibili dahil na rin sa kanilang mga pamahiin at paniniwala. Karaniwan din sa kanila ang pagbili ng tingi o per kilo. Tumatanggap din sila ng order depende sa budget ng cus-tomer—ipipili na lamang nila ng baboy na naaayon sa budget na itinakda ng kanilang customer. Maaaring itawag ang order sa umaga, at makukuha na ang order kinahapunan para sa mga kalapit na lugar ng Talisay, Cebu.

Hindi lamang mga taga-Cebu ang umo-order sa Lina’s Lechon, maging ang mga hotel at iba’t ibang mga opisina ng gobyerno sa Metro Manila at sa Luzon ay regular na bumibili sa kanila.

Sa isang araw, karaniwang nakatatanggap sila ng apat hanggang limang order ng litson. Pagsapit naman ng buwan ng Disyembre, kung saan kabi-kabilang party at handaan ang nagaganap, ay umaabot sa hanggang dalawang-daang (200) litson ang ino-order sa kanila sa loob lamang ng isang linggo. Kung sa pangkaraniwang araw naman, 200 kada buwan ang kanilang naibebenta.

Dahil nasa bakuran lamang ng kanilang compound ang litsunan, hindi uso sa kanila ang day-off at araw-araw ang kanilang pagli­litson dahil sa walang tigil ang pagbili ng mga customer dahil na rin sa sarap nitong taglay.

Ayon pa kay Mang Wulfido, wala naman daw talagang sekretong sangkap ang kanilang litson kundi ang mga saktong timbang lamang ng mga pa­ngunahing pampalasa tulad ng asin, sibuyas, at iba pang panimpla sa litson at higit sa lahat ang pagmamahal sa kanilang negosyo ng buong puso.

Talaga namang nakabibilib kapag ang pamilya ay sama-samang nagtutulungan sa pagtataguyod ng kanilang negosyo. Tunay na matagumpay ang Lina’s Lechon sa lara­ngan ng paglilitson hindi lamang sa Cebu maging sa karatig ba­yan at sa iba’t ibang lugar sa Luzon.

Sa loob ng 43 taon nila sa negosyo ay tunay namang na-master na nila ang timpla na swak na swak sa panlasa ng masa. Sa mga mahihilig sa litson ay maaaring tumawag sa 0956-8763080, Address Zone 2, #511 Rizal Street, Dumlog, Talisay City, Cebu, at hanapin si Ipay o si tatay Wulfido Bascon.