ANG lindol na yumanig sa Mindanao ay nagsilbing palatandaan sa sinasabi nating ‘The Big One’ na maaaring mangyari. Hindi man mangyari ito sa mga susunod na buwan o taon, hindi natin maaalis sa ating isipan na maari itong maganap.
Ang sinasabing ‘The Big One’ ay isang kaganapan kung saan isang malakas na lindol na may sukat na intensity 7.5 ang tatama sa Metro Manila.
Ayon sa Phivolcs, kapag nangyari ito, maaaring higit sa 30,000 ang mamamatay at mahigit 100,000 ang masasaktan dulot ng pagguho ng mga gusali at pagkasira ng iba pang mga imprastruktura sa Metro Manila.
Hindi biro ito. Saksi tayo sa mga nasirang gusali, bahay, tulay at mga kalsada sa mga apektadong lugar sa Mindanao.
Maaaring hindi masyadong dumikit sa ating isipan at imahinasyon ang nangyaring lindol kamakailan sa Batanes. Marahil ay hindi kaparehas ng Batanes ang isang malaking lungsod tulad ng sa Metro Manila. Subalit ang mga nasira sa mga siyudad ng Davao at Kidapawan ay tila malapit o hawig sa Kalakhang Maynila.
Mas nakaaalarma pa rito ang pagdami ng mga matataas na gusali sa Metro Manila. Ito ay mga commercial at residential buildings kung saan libo-libong tao ang nandito.
Bago ito, ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan ay nakaranas ng 6.5 na lindol, ilang buwan na ang nakararaan. Naging malaking usapan ang pagkuwestiyon sa mga uri ng bakal na ginagamit sa ating mga gusali. Ito ay dahil sa pagguho ng Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga kung saan ilan ang namatay.
Ang nakababahala ay namatay na rin ang isyung ito paglipas ng ilang buwan. Ngayon na nangyari ang malakas na lindol sa Mindanao, nabuhay muli ang isyu tungkol sa mga substandard na bakal na maaaring peligro sa mga nakatayong gusali sa Metro Manila.
Inaasahan ko na kaliwa’t kanan na naman ang sasawsaw sa isyung ito. Sa katunayan, tila hindi gaano napansin ang isang resolution ng isang mambabatas na humihingi ng imbestigasyon sa mga substandard na bakal. Siya ay si Agusan Del Norte Rep. Lawrence Fortun.
Sa kanyang House Resolution 379, hiniling niya na imbestigahan ang pagkalat ng substandard na bakal at pag-smuggle nito papasok sa ating bansa. May duda si Fortun na may kuntsabahan ang ilang malalaking steelmakers at opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) at Bureau of Customs (BOC).
Sana ay magkaalaman kung talagang nangyayari ito. Kawawa naman ang mga mabibiktimang tao kapag gumuho ang mga matataas na gusali rito sa Metro Manila sa sandaling tumama ang ‘The Big One’!
Comments are closed.