DALAWANG “Aid To Humanity, Fight Poverty” ang ginanap ng Iglesia Ni Cristo sa ilalim ng Lingap sa Mamamayan international out-reach program na nagbibigay ng kabuhayan sa mga nangangailangang mga komunidad sa New York at Connecticut na tinuturing ng Iglesia bilang “bahagi ng nagpapatuloy na misyon sa positibo at aktwal na pagsasaayos ng buhay at pag-angat sa dignidad ng mga nasa mahihirap at nahihirapang mga pamayanan sa mundo.”
Ang pinakahuling Aid To Humanity noong Setyembre 14 ay isinagawa sa Queensbridge, Long Island sa New York City bilang sentro ng humanitarian campaign matapos mapag-alaman ng INC na 48% ng mga nakatira sa Long Island ay nangungupahan at 19% ay nabubuhay sa bingit ng kahirapan at naghihikahos makaagapay sa disenteng pamumuhay.
“Pilit naming ipinaabot sa Queensbridge community sa pamamagitan ng Felix Y. Manalo (FYM) Foundation ang pamamahagi ng 1,200 goodwill bags. Simula pa lamang ito. Ibubuhos namin ang aming mga hakbang sa pangmatagalang pagtulong sa nasabing komunidad at palalawakin ang aming mga programang pangkabuhayan,” ayon kay INC General Auditor Glicerio B. Santos Jr.
Binigyang diin din ni Santos na “ang kahirapan ay kahirapan, nasa Estados Unidos man o nasa Filipinas o sa ibang bansa” at ang kasalukuyang kampanya ng INC ay nakadisenyo upang “makatulong, kahit papaano, sa pamamagitan ng mga proyektong Lingap, sa pandaigdigang laban kontra kahirapan.”
Ayon sa Presidente ng Queensbridge Tenant Association na si April Simpson, karamihan sa mga bahay sa Queensbridge ay binuksan noong 1939 pa at ito ang naging tahanan ng mahigit 7,000 mga nangungupahang iba-iba ang estado sa buhay.
“Positibo ang naisukling mga reaksiyon sa proyektong Lingap. Marami sa mga residente ay pumila upang makatanggap ng goodwill bags upang makagaan naman sa kanilang mga pangangailangan. Lahat kami ay nagpapasalamat sa inyo [Iglesia Ni Cristo] sa inyong pagpunta rito upang maglingkod sa aming komunidad,” ayon kay Simpson sa wikang Ingles.
Bago ang pamamahagi ng goodwill bags, ipinanood muna sa mga dumalo ang 30-minute introduction video ng INC na nakatuon sa marami nang naisagawang mga proyektong Lingap ng Iglesia sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Kabilang sa ipinalabas ay ang mga larawan ng eco-farming at community settlement projects ng INC sa Africa at sa Filipinas.
Nagsagawa rin ng katulad na pamamahagi ng Lingap packages na kinapapalooban ng pagkain at iba pang pangangailangan sa tahanan kasunod niyon sa Hartford, Connecticut, na nasa Silangang bahagi ng Estados Unidos, at mainit din itong tinanggap ng mga nabiyayaang mga residente sa nasabing komunidad.
Nauna nang nakapamigay ang INC ng kinakailangang tulong para sa mga biktima ng Hurricane Sandy sa US east cost noong 2012 sa pamamagitan ng donasyon na nagkakahalaga ng $150,000 para sa New York City Police Foundation, sa FDNY Foundation, sa Bellevue Hospital Center at sa Co-ney Island Hospital.
Noong 2017, nagtayo rin ang Felix Y. Manalo Foundation ng INC ng malalimang Aid To Humanity project sa mga nasalanta ng Hurricane Harvey sa Texas sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga grocery packages, cleaning supplies at toiletries para sa mga apektadong tagaroon.
Nilinaw naman ni Santos na ang programa sa pagtulong ng INC sa US ay nakatuon hindi lamang sa relief project tuwing may kalamidad kundi sa mga kampanyang nakasentro sa pagsasaayos ng kabuhayan sa mga nangangailangang komunidad doon.
“Nagbibigay ng tulong ang INC sa lahat, mapakapatid man o hindi kabilang sa amin. Ito ang aming munting paraan habang nagpapalawak ang Iglesia sa lahat ng bahagi ng mundo.”
Comments are closed.