LINGAP OUTREACH NG INC BALIK-AFRICA

DALAWANG bansa sa Africa ang muling nabiyayaan sa matagumpay na pagsasagawa ng Li­ngap sa Mamamayan ng Iglesia Ni Cristo kung saan libreng food packs ang ipinamahagi sa “pagpapatuloy ng positibong pagsuhay sa buhay ng mga komunidad sa buong mundo na lubhang na­ngangailangan.”

Isinagawa ang Lingap sa Kibera at Kawangware sa Nairobi, Kenya noong Hunyo 23 at 24 matapos ang katulad na proyekto sa Blantyre at Samama Vil Mangochi sa Malawi noong Hunyo 19 at 20.

Mahigit 33,000 ang mga dumalo at nabahagian ng iba’t ibang tulong sa ilalim ng programa.

“Sinusuyod natin ang hilaga at katimugang bahagi ng Africa sa ating isinasagawang paglingap sa mga kapatid at maging ang mga hindi kaanib. Noon pa man, binuo ang Lingap bilang isang kampanyang makatao na hindi tumi­tingin sa paniniwala ngunit nakakapagpaabot ng kapakinabangan sa lahat,” wika ni INC General Auditor Glicerio B. Santos Jr.

“Ang pinakahu­ling edisyon ng Lingap sa Kenya at Malawi ay isang pagpapatuloy ng naunang proyektong Lingap sa South Africa at Lesotho. Ang INC ay matatagpuan sa 16 na bansa sa kontinente, at kami’y bumabalangkas ng kaparaanan upang maabot ang iba pang bansa sa Africa,” ayon pa kay Santos.

Ang Lingap ay naisagawa na sa marami pang bahagi ng Estados Unidos at Canada, Hilaga at Timog Europa, Australia, New Zealand, Southeast Asia, China, Taiwan, Japan, South Korea at mga lugar sa Gitnang Silangan tulad ng Qatar, United Arab Emirates, at Saudi Arabia.

“Masusi naming itinataguyod ang mandatong ito mula sa Iglesia, sa pa­ngunguna ni INC Executive Minister Eduardo V. Manalo. Lubos ang aming pasasalamat sa natatanging pagkakataong ito upang makapagpaangat ng antas ng buhay sa aming mumunting paraan,” dagdag ni Santos.

Nahirang bilang Special Envoy for Overseas Filipinos Concerns si Bro. Eduardo V. Manalo ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa pagsisimula ng taon. Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, si Manalo ay itinalaga dahil sa lawak ng subok at napatunayan nang pandaigdigang pakikipag-ugnayan ng INC.

“Malaking bagay, madami silang congregation. Malaki ang kanyang maiaambag sa ating pagsisikap na makapagbigay ng proteksiyon sa ating mga OFW,” turan ng kalihim noong Enero.

Inihayag din ni Santos na mas iigting ang kanilang pagsasagawa ng mga proyektong Lingap sa mga susunod na buwan dahil sa pondong nakalap mula sa Worldwide Walk Against Poverty, kung saan mahigit isang milyon ang nakibahagi noong Mayo sa Maynila pa lamang. Ang Worldwide Walk ay sabayang isinagawa sa 358 mga lokasyon sa 44 na bansa, at bumasag sa tatlong Guinness World Records – ang pinakamala­king charity walk sa iisang venue (Roxas Boulevard sa Maynila) kung saan 238,171 mga kapanalig ng INC ang lumahok; ang pinakamahabang pangu­ngusap na binuo ng 23,235 kataong magkakatabi; at ang pinakamalaking picture mosaic mula sa 9,000 mga miyembro ng Iglesia.

Ang Lingap sa Mamamayan program ng INC ay isa sa pangunahing programa ng Iglesia mula nang magsimulang mangasiwa rito si Manalo noong 2009. Sa kanyang pamumuno, natanggap ng Iglesia ang malalaking pagkilala at nagtala ito ng apat na world records sa Guinness Book of World Records noong 2015 dahil sa makasaysayang “Aid to Humanity” sa Tondo kung saan namahagi ang INC ng 17,000 pares ng sapatos at 200,000 piraso ng damit para sa mga mahihirap.

Noong 2012, naitala na rin sa pamamagitan ng Linggap sa Tondo ang world record sa pinakamalaking dental health check, pinakamaraming blood pressure readings sa loob ng walong oras, at ang pinakamaraming blood glucose level (BGL) tests sa iisang lokasyon.            CAMILLE BOLOS

Comments are closed.