LINISIN NATIN ANG HANGIN

NITONG nakaraang linggo ay binalot ng smog o vog (volcanic particles sa hangin) ang ilang lugar sa katimugang bahagi ng Maynila.

Ang vog na ito ay galing sa bulkang Taal sa Batangas. Maraming klase sa mga paaralan at unibersidad ang suspendido sa ilang lugar at mayroon pa ngang nasa 50 umanong mga pasyente ang nagkasakit dahil sa hindi magandang hangin na umiral ng ilang araw rin.

Ayon sa mga eksperto, kailangang iwasan ang vog. Ipinayo nilang magkulong muna sa bahay kung wala rin lamang importanteng lakad. Kung hindi naman maiiwasang lumabas ng bahay, pinayuhan ang lahat na magsuot ng N95 masks upang hindi mahinga ang vog.

Sa palagay ko, may ilang taon na ring nahihinga ng mga residente sa mga malalaking siyudad ang smog o polusyon sa hangin, lalo na sa umaga. Matagal na nating hinihinga ang nakalalasong hangin na ito, kaya naman marami na ring mga tao ang nagkaroon ng hika, allergy, at iba pang respiratory illness dahil sa smog na ito.

Siguro nga ay kakaunti ang magagawa natin para pigilan ang paglabas at pagkalat ng vog mula sa bulkan, pero may mga hakbang na maaari tayong gawin para malinis ang hangin at mabawasan ang polusyong gawa ng tao.

Umasa tayong aaksiyon ang mga ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon upang lalo pang paigtingin ang kanilang mga kampanya para sa mas malinis na hangin, lalo na sa mga lugar kung saan grabe ang polusyon.

Bilang mga indibidwal, mayroon din tayong puwedeng maiambag upang tumulong sa paglilinis ng hangin na ating hinihinga.