TAGUIG CITY – SA pinakabagong survey na inilabas para sa eleksiyon 2019, pinulsuhan ng sambayanan ang mga posibleng landslide victory at mga dikit na laban sa halalan ng mga lokal na kandidato sa 16 lungsod at isang munisipalidad sa Metro Manila.
Sa mahigit na 1,800 na rehistradong botante na tinanong o sinarbey sa nasabing numero ng mga lugar, inilabas sa #PahayagNCR survey ng PUBLi-CUS Asia Inc. na kung gaganapin ang halalan ngayon, marami sa mga kandidato ang magwawagi ng malaking puntos samantalang ang ilan ay lalaban ng dikdikan sa kapwa nila kandidato.
Kabilang dito ang mataas na tiyansa ni dating congressman Lino Cayetano sa Taguig City.
Si Cayetano ng Nacionalista Party, brother-in-law ng kasalukuyang mayor na si Lani Cayetano, at ang running mate nitong si Ricardo “Ading” Cruz Jr. ang nanguna sa survey.
Nakakuha ito ng 76 percent kumpara sa pambato ng PDP-Laban na si Arnel Cerafica na mayroong 15 percent.
Ang independent candidate naman na si Sonny Boy Andrade ay may 1 percent.
Ang running mate naman ni Cayetano na si Ricardo Cruz Jr. ay mayroong 65 percent ng boto kumpara sa manok ng PDP-Laban na si Henry Dueñas na may 18 percent.
Ang independent survey ay isinagawa mula Nobyembre 16 hanggang Nobyembre 20, 2018, at pinangasiwaan ito ng PUBLiCUS Asia, isang full-service political campaigns management at lobbying firm at pinamumunuan ni Founder/CEO Malou Tiquia.
Siniyasat nito ang opinyon ng mahigit 1,800 respondents na mga pawang rehistradong botante lahat mula sa Taguig City, Caloocan City, Las Piñas City, Makati City, Malabon City, Mandaluyong City, Manila, Marikina City, Muntinlupa City, Navotas City, Parañaque City, Pasay City, Pasig City, Pateros, Quezon City, San Juan City, at Valenzuela City. Ang mga rehistradong botanteng ito ay may edad na 18-35.
Ang mga opinyon ay base sa mga sumusunod: Living standards; Citizen Issues; The Country (State of the Nation); Build, Build, Build; Love, Care, and Solidarity of Leaders; Federalism; Bangsamoro Basic Law; Military Influence in Government; National Interest; Political Issues; Preference for Senators and City Mayors/Vice Mayors; Media Habits; and Endearing Philippine Brands.
Ang survey ay base rin sa katanungang: If elections were to be held today, who among the candidates will you vote for?
Para sa kompletong listahan ng resulta sa #PahayagNCR survey, bisitahin lamang ang www.publicusasia.com o i-click ang link na ito. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.